(Epektibo sa Enero 3) P500 WAGE HIKE SA KASAMBAHAYS SA METRO MANILA

MAY dagdag sa sahod ng mga domestic worker o kasambahay sa Metro Manila at minimum wage earners sa Region XIII o Caraga Region simula sa susunod na taon makaraang aprubahan ng wage boards ng mga rehiyon ang pay hikes, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa isang statement, inanunsiyo ng DOLE na pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong December 13, 2023 ang wage orders na isinumite ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Caraga at National Capital Region (NCR).

Ipinalabas ng  RTWPB ng Caraga ang motu propio Wage Order No. RXIII-18 noong December 5, 2023, na nagkakaloob ng P20 daily minimum wage increase sa lahat ng sektor, at dagdag na  P15 bilang second tranche sa May 1, 2024.

“This will bring the daily minimum wages in the region to P385 upon implementation of the two tranches,” pahayag ng DOLE

Inilabas din ng RTWPB ang motu propio Wage Order No. RXIII-DW-04 na magtataas sa monthly minimum wage ng kasambahays ng P1,000, kaya ang monthly wage rate para sa domestic workers sa rehiyon ay magiging P5,000.

Samantala, nag-isyu ang RTWPB NCR ng motu propio Wage Order No. NCR-DW-04 noong December 12, 2023 na nagtataas sa monthly minimum wage ng kasambahays ng P500, kaya ang bagong monthly wage rate ay magiging P6,500.

Ayon sa DOLE, ang wage orders ng RTWPB ng Caraga ay ilalathala sa December 16, 2023 at magiging epektibo makalipas ng 15 araw mula sa kanilang publication, o sa January 1, 2024.

Ang  wage order para sa kasambahays ng NCR ay ilalathala sa December 18, 2023 at magiging epektibo sa January 3, 2024.

“The new rate for workers in the private sector translates to a 10% increase from the prevailing daily minimum wage rate in Caraga Region and results in a comparable 23% increase in wage-related benefits covering the 13th-month pay, service incentive leave (SIL), and social security benefits such as SSS, PhilHealth, and Pag-IBIG,” ayon sa DOLE.

Ang Wage Order No. RXIII-18 ay inaasahang direktang mabebenepisyuhan ang 65,681 minimum wage earners sa Caraga Region.

Samantala, ang wage increases para sa kasambahays sa Caraga at NCR ay magbibigay benepisyo sa kabuuang 256,476 domestic workers — tinatayang 57% (146,202) sa mga ito ay nasa live-in arrangement.