(“Supply ng koryente sa Iloilo ‘di sa PECO”)
NANINDIGAN ang Energy Regulatory Commission (ERC) na ang More Electric and Power Corp (More Power) ang nag-iisang Distribution Utility sa Iloilo City na may legislative franchise na itinatakda ng batas, at nag-iisang kompanya na inisyuhan nila ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) para mag-supply ng koryente sa buong Iloilo City.
Ayon kay ERC Chairman Agnes Devanadera, kahit pa man may usaping legal sa pagitan ng Panay Electric Company (PECO) at ng More Power, kabilang na ang nakabimbing kaso sa Iloilo Regional Trial Court (RTC) na isang expropriation case ay hindi nito kayang pigilan kung patungkol sa operasyon ng Distribution Utility ang pag-uusapan dahil ang hurisdiksyon na ito ay hawak ng ERC alinsunod na rin sa itinatakda ng EPIRA law.
“We respect the cases pending in the lower courts but the fact remains that the ERC has the exclusive authority by virtue of the law when it comes to supply of electricity, power and generation rates and operation of Distribution Utilities. We stand by our March 5 order that More Power shoud be the one who should supply the electricity in Iloilo City,” paliwanag ni Devanadera.
Iginiit ni Devanadera na dahil nagsalita na ang ERC ukol sa isyu, ang desisyon nito ang dapat na manaig at pakinggan ng mga taga-Iloilo.
“More Power is recognized as the only Distribution Utility of Iloilo City, this should be clear among parties,” paliwanag pa ni Devandera kung saan ang paglilinaw umano ay ginagawa ng ERC upang maiwasan na ang gulo na nangyayari ngayon sa lalawigan.
Sinabi ni Devandera na hindi dapat na malito ang mga residente kung saan magbabayad ng kanilang billing dahil malinaw sa kanilang order na ang More Power ang kanilang kinikilala bilang lehitimo at nag-iisang distribition utility sa Iloilo.
Samantala, nilinaw rin ni Devanadera na walang nilalabag ang More Power nang mag-operate ito kahit na wala pang Certificate of Exemption mula sa Department of Energy (DOE).
Aniya, ang kaso ng More Power ay maituturing na emergency dahil ang kanilang kinokonsidera rito ay ang matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo ng pagbibigay ng supply ng koryente sa mga residente.
Inaasahan naman, aniya, na magpapalabas ng sertipikasyon ang DOE sa operasyon ng More Power dahil ito ang may hawak ng prangkisa.
Comments are closed.