Edgardo Lam, 64, ay isang homeless painter na nakatira sa kalsada ng Ermita, Manila. Kasama niya ang kanyang anak at limang apo. Nabubuhay sa pagiging barker ng mga jeepney at pag-parking.
Ayon kay Edgardo, siya ay half-chinese at dating nakatira sa Sta. Cruz, Manila. Dati rin na nag-aral sa isang Chinese School hanggang grade 6, at pinakamatanda sa magkakapatid. Nadiskubre ni Edgardo Lam ang kanyang talent sa pag-pinta ilang taon pa lang ang nakalilipas.
Halos mahigit dalawang dekada na ring nakatira sa kalsada ng Ermita sina Edgardo. May mga pagkakataon din na naka-kaupa sila ng tirahan ngunit kapag nawawalan sila ng pambayad ay bumabalik sila sa kalsada.
Hindi katulad ng ibang mga artist, gamit ni Edgardo ang mga tira-tirang plywood at pintura na kanyang napupulot mula sa mga construction site para magpinta. Minsan nakakabili siya ng mga pintura na kanyang ginagamit.
Dagdag ni Edgardo, isang banyagang turista na napapadalas uminom sa mga bar sa Ermita ang nagbigay ng lakas sa kanya ng loob na magpatuloy sa kanyang pagpipinta. Minsan ay binibigyan siya ng mga kagamitan tulad ng paint brush at mga pintura para magpatuloy. Minsan ay bumibili rin ng kanyang mga obra.
Nagtataka rin siya kung bakit binibili ng mga banyagang turista at mga ibang artist ang kanyang obra. Hindi naman daw ito kagandahan tulad ng mga nasa art gallery. Pero dito na rin niya natutunan na pahalagahan ang kanyang mga obra simula nang bilhin ito.
Minsan, may mga iba rin nagpapagawa ng obra kay Edgardo, tulad na lang daw ng isang babae na nagpagawa ng paint-ing na may nakasulat na “God is watching you”.
“Para sa boyfriend niya ‘yun na nasa Amerika,” sabi ni Edgardo.
Ayon kay Edgardo, mayroon na ring mga nag-alok sa kanya na lumipat ng ibang lugar, ngunit napamahal na siya sa lugar niya. Para sa kanya, ito ay paraiso at dito rin siya nakakakuha ng mga inspirasyon.
Minsan na ring natanong kay Edgardo: “Bilang artist, may balak ka bang mailagay ang obra mo sa mga art gallery?
Natawa na lang si Edgardo at sinabing: “Malapit na rin naman ang paghuhukom at tayo’y kukunin na. Ang mga materyal na bagay ay mawawalan din ng saysay sa kabilang buhay.” Text and Photos by NIKON L. CELIS