HINDI na muling makababalik sa bansa ang Espanyol na nag-viral sa social media matapos na makipag-away sa pulis-Makati noong Abril 26 sa Dasmariñas, Makati.
Ito ang pahayag ni Immigration Commissioner Jaime Morente na iniutos ang agad na pagpapa-deport kay Javier Salvador Parra, 49-anyos, matapos ang insidente.
Ayon kay Morente, hindi karapat-dapat na manirahan sa bansa si Parra dahil sa ipinakita nitong ugali sa awtoridad sa hindi pagsunod sa batas na pinaiiral ng bansa.
Inilagay ang pangalan ni Parra sa talaan ng Immigration blacklist kaya hindi na siya muling makatatapak sa lupa ng Filipinas bunsod sa kanyang pagiging undesirable alien at walang galang sa Philippine laws.
Magsilbi aniyang aral ang sinapit ni Parra upang hindi na gayahin ng iba pang foreigner na naninirahan sa bansa.
Ayon naman kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., si Parra ay ipinatapon palabas ng bansa noong Abril 29 sakay ng Qatar Airways flight patungong Doha bago sa kanyang final destination sa Madrid, Spain. FROI MORALLOS
Comments are closed.