ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Armed Forces of the Philippines chief Benjamin Madrigal Jr. bilang miyembro ng governing board ng Philippine Coconut Authority (PCA).
Si Madrigal ay isa lamang sa mga kabilang sa listahan ng mga presidential appointee na ini-release kahapon ng Malakanyang kasama sina Police Major Generals Joel Napoeleon Coronel at Debold Sinas, at Philippine Coast Guard Vice Admirals George Ursabia at Lydon La Torre at iba pang mga opisyal sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Si Madrigal na miyembro ng PMA Class 1985 na nauna nang itinalaga ni Pangulong Duterte bilang AFP chief noong Disyembre 2018 ay nagretiro noong Setyembre 2019.
Bilang miyembro ng PCA, si Madrigal ay makakatuwang sa paggawa at pagpapatupad ng mga programa para sa mga local coconut at palm oil industry.
Bukod kay Madrigal, ang iba pang naging AFP chief na nabigyan ng puwesto ni Pangulong Duterte ay sina Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano, Customs Chief Reynaldo Guerrero, National Irrigation Administration Administrator Ricardo Visaya at Presidential Adviser on Peace Process Carlito Galvez Jr. EVELYN QUIROZ