INAPRUBAHAN kahapon ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang mga panukala na nagpapalawig sa validity ng 2020 national budget at ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) hanggang sa susunod na taon.
Nagkasundo ang mga senador na ipasa ang panukala ng Kamara na nagpapahintulot sa pamahalaan na gastusin ang nalalabing pondo mula sa kasalukuyang budget hanggang sa December 31, 2021.
Samantala, ang validity ng Bayanihan 2, ang ikalawang COVID-19 aid package, ay pinalawig hanggang June 30, 2021.
Sinertipikahan ni Presidente Rodrigo Duterte bilang urgent bills ang extension ng 2020 budget at ng Bayanihan 2 hanggang sa susunod na taon.
“The COVID-19 pandemic has disrupted our lives… government agencies were not spared and they, too, had to adjust,” wika ni Senate Committee on Finance chair Sonny Angara sa plenaryo.
“We are opening a wider window for the country to return to its original path to development,” dagdag pa niya.
Ang 2020 national budget ay nakatakda sanang mapaso sa December 31, 2020, habang ang Bayanihan 2 ay mawawalan na ng bisa matapos ang December 19, 2020.
Comments are closed.