UMATAKE ang Adamson University sa third quarter upang makalayo sa University of Santo Tomas (UST) at maitakas ang 96-83 panalo para sa isang puwesto sa ‘Final 4’ sa UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Araneta Coliseum.
Naghahabol sa 40-39 sa break, binuksan ng Soaring Falcons ang third quarter sa pamamagitan ng 15 unanswered points at na-outscore ang Growling Tigers, 31-18, at hindi na lumingon pa.
Sa panalo ay naiganti ng Adamson ang 48-62 pagkatalo sa Ateneo noong Linggo at umangat sa 9-3. Ang Falcons ay umusad sa semifinals sa ikatlong sunod na taon, at sinamahan ang Blue Eagles (10-2).
Tumipa si Sean Manganti ng 22 points, 7 rebounds at 4 assists, habang nagdagdag si Simon Camacho ng career-best 15 points. Tumapos naman si Jerrick Ahanmisi na may 13 points.
“Of course, we’re happy to reach the Final 4,” wika ni Adamson coach Franz Pumaren. “But we’ve been doing that for the last two years, and hopefully we can improve our finish for this year.”
Nanguna si Renzo Subido na may 21 points, habang nagdagdag si Marvin Lee ng 18 para sa Growling Tigers.
Nakagawa ang UST ng 18 turnovers para sa 20 points ng Adamson, at bumuslo sila ng 31.82% lamang mula sa field. Taliwas dito, naipasok ng Falcons ang 46.15% ng kanilang tira, at may 53-35 bentahe sa boards.
Bumagsak ang Growling Tigers sa 5-7 marka, isang laro sa likod ng Far Eastern University at University of the Philippines para sa ika-4 na puwesto.
Sa ikalawang laro ay napalakas ng De La Salle University ang ‘Final 4’ bid nito nang igupo ang National University (NU), 84-77.
Umangat ang Green Archers sa 8-4 para makasiguro ng playoff para sa isang puwesto sa semifinals.
Nalasap naman ng Bulldogs ang ikatlong sunod na pagkatalo at nahulog sa 3-9. Pormal silang nasibak sa ‘Final 4’ race.
Comments are closed.