WALA muna ulit live fans sa pagbabalik ng mga laro sa PBA Governors’ Cup sa Pebrero, ayon kay commissioner Willie Marcial.
“’Yung fans hindi na muna. Siguro after a couple of weeks, pag-aralan natin kung talagang puwede na tsaka natin i-accommodate ang mga fans,” sabi ni Marcial.
“Pero sa simula baka wala muna.”
Magugunitang bago sinuspinde ang mga laro sa season-ending conference dahil sa biglang pagsipa ng COVID-19 cases ay pinayagan na ang live audience matapos na maglaro sa huling dalawang edisyon ng Philippine Cup na walang fans.
Halos 5,000 crowd ang nasa Smart Araneta Coliseum nang maglaro ang liga noong Christmas Day, tampok ang Barangay Ginebra-Magnolia duel sa main game.
Ngunit nagkakaroon na ng pag-asa na maibalik ang live audience sa pagbaba ng COVID-19 cases, lalo na sa NCR Plus na may 6,280 kaso na lamang mula Jan. 19 hanggang 25 mula sa 15,782 sa naunang linggo.
“Depende pa rin kasi nakikita naman natin pababa ‘yung mga cases,” sabi ni Marcial.
Gayunman, prayoridad ngayon ng commissioner na makapagsimula na ang lahat ng 12 teams sa kanilang scrimmages para sa muling pagbubukas ng conference.
“Scrimmages muna ang inaasikaso natin,” aniya . “Kung maibaba pa iyan, baka puwede na tayong mag-request na masimulan na ang mga laro.”