FINALS TARGET NG BENILDE, LETRAN

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – Benilde vs San Beda
3 p.m. – Letran vs LPU

SASALANG sa kanilang unang Final Four game magmula nang sibakin ang dating league member Philippine Christian University para sa isang puwesto sa Finals noong September 13, 2002, umaasa ang College of Saint Benilde na makauusad sa championship round.

Tangan ang coveted twice-to-beat advantage makaraang magtapos na top-ranked team sa eliminations sa 14-4, ang Blazers ay gigil na tapusin agad ang serye.

Ang Benilde ay magtatangka sa kanilang unang championship appearance sa loob ng dalawang dekada sa pagsagupa sa No. 4 San Beda sa NCAA men’s basketball Final Four ngayong alas-12 ng tanghali sa Filoil EcoOil Centre.

Maaaring nakumpleto ng Blazers ang sweep sa kanilang elimination round head-to-head kontra Red Lions, subalit ang Final Four ay ibang kuwento.

“It doesn’t matter if we’ve beaten these teams sa semis, zero-zero all yan sa semis. Iba ‘yung pressure nun. I don’t know how the guys will respond. We worked hard to be in this position so it’s a good feeling kahit papano,” sabi ni Benilde coach Charles Tiu.

Sa ikalawang sunod na season, ang San Beda ay magkakaroon ng twice-to-beat disadvantage sa Final Four, kung saan ang Mendiola-based squad ay pinatalsik ng Mapua sa huling torneo — hindi nakapasok sa Finals sa unang pagkakataon magmula noong 2005.

Pangungunahan nina James Kwekuteye, JB Bahio at Tony Ynot ang kampanya ng Red Lions upang ihatid ang kanilang semis duel sa Blazers sa decider sa Biyernes.

Maghaharap ang three-peat seeking Letran at ang Lyceum of the Philippines University sa isa pang semifinals match sa alas-3 ng hapon.

Nagkasya ang Knights sa No. 2 ranking makaraang matalo sa kanilang final elimination round game, na nagbigay-daan para kunin ng Pirates ang third spot. Sa pagkatalo ng Letran sa Jose Rizal University ay naiwasan nila ang Final Four duel sa bitter rival San Beda.

Na-split ng Intramuros rivals ang kanilang head-to-head meetings sa elims. Sinamantala ng Pirates ang pagkawala nina suspended key players Brent Paraiso at Louie Sangalang upang mamayani sa Letran sa first round, bago nakaganti ang Knights sa second round.