FINIS ‘GODFATHER’ NG OPEN WATER SWIMMING

Vince Garcia

HINDI na magiging ulila ang open water swimming.

Ipinahayag ng FINIS Philippines na kabilang ang open water swimming – isa sa aquatic sports na bahagi na ng Olympic program – sa bibigyan nito ng masinsing atensiyon upang mapalakas ang grassroots development program ng naturang sport tungo sa pagiging world-class ng Pinoy swimmers.

Sinabi ni coach Vince Garcia, FINIS Philippines Managing Director, na kaagapay sila sa paniniwala na isa ang open water swimming sa sports na may malaking tsansa ang batang Pinoy na mangibabaw sa world stage kung mabibigyan ng  sapat na tulong at malalatagan ng maayos na programa.

“Imagine we have more than 7,000 islands. Nakapalibot ang karagatan, napakaraming talento na puwedeng sanayin at sa tamang programa kaya nating mag-produce ng mga world-class open water swimmers,” pahayag ni Garcia sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ via Zoom nitong Huwebes.

“We have in the pipeline Open Water Swim Races 5K and 10K debuting on May. Inaayos na namin. We’re finalizing the details. Right now, we’re still open for collaboration para mas marami tayong tournament na magawa para sa ating mga kabataan,” dagdag ni Garcia sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR.

Sa kasalukuyan, ang pagbabalik sa face-to-face action sa age-group swimming at triathlon ang binigyang-pansin ng FINIS sa inorganisang 2022 FINIS Short Course Swim Competition – tatlong serye ng kompetisyon para sa pinakamahuhusay na age-group swimmers sa bansa – na magsisimula sa gaganaping Luzon leg sa Marso 26-27 kasabay ang Kids of Steel Triathlon sa New Clark City Aquatic Center sa Tarlac City.

Nakatakda ang Visayas leg sa Abril 23-24, gayundin ang Mindanao leg sa Mayo 28-29 at ang National Finals sa Hunyo 4-5.

“We have tied-up with the Triathlon Associations (TRAP) para sa age-group triathlon program, isinabay na namin sa swimming competition dahil akma naman ang venue. The original plan nga, eh isama na rin ‘yung elite tournament, but we decided to focus muna sa mga bata dahil matagal na ring nabakante ang mga ito at gusto na ring magsilabas ng bahay,” pahayag ni Garcia.

“Currently, we have already 300 registered swimmers and still counting.  Open sa lahat. It’s easy to register dahil may online registration, Register now @ https://register.raceyaya.com/event/finis-swimseries-luzon. For Kids of Steel, just register @https://register.raceyaya.com/event/finis-sprint-triathlon,” sabi ni Garcia. EDWIN ROLLON