FIRST ROUND WINALIS NG LADY BULLDOGS

Standings             W    L

NU                        7     0

UST                       5     2

DLSU     4     2

AdU                      4     3

Ateneo  3     4

UP                         3     4

FEU                       1     5

UE                         0     7

 

Laro sa Linggo:

(Mall of Asia Arena)

4 p.m. – Cheerdance Competition

DINISPATSA ng National University ang University of the Philippines, 25-10, 25-20, 25-15, para makumpleto ang first round sweep sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.

Sa kanilang ika-7 sunod na panalo, ang  streak ang pinakamahaba ng  Lady Bulldogs magmula nang maitala ang  10-game winning run sa kanilang bigong  championship run sa 2013-14 season.

Sa showdown ng 2019 Finals protagonists ay pinadapa ng University of Santo Tomas ang titleholder Ateneo, 25-19, 25-21, 29-31, 33-31, para sa kanilang ika-5 panalo sa pitong laro.

Nauna rito ay inilabas ng Adamson ang kanilang pinakamatikas na first round performance sa siyam na taon sa 25-23, 25-20, 25-18 sweep sa University of the East.

Ang much-neeed weekend break sa pagitan ng  first at second rounds ay makatutulong kay  NU coach Karl Dimaculangan na ma-assess kung paano huhusay ang koponan papasok sa  krusyal na yugto ng season.

“’Yung team namin is bata pero (itong first round sweep) ‘yung kailangan namin para ma-motivate kami lalo sa preparation namin for next round. ‘Yung ibang team marami nang adjustment and familiarity kaya kailangan namin mas mag prepare,” sabi ni Dimaculangan.

“Kailangan din namin itong panalo na to going to second round kasi momentum namin ito para makapag prepare pa kami sa mas mahirap na darating na second round,” dagdag pa niya.

Nanguna si Mhicaela Belen para sa Lady Bulldogs na may 13 kills, nagdagdag si Cess Robles ng 12 points at 12 digs habang nagpakawala si Ivy Lacsina ng dalawang service aces para sa 11-point effort.

Nakakolekta si  NU libero Jen Nierva ng 17 digs at 7 receptions.