PANSAMANTALANG ipinatigil ng Department of Trade and Industry (DTI) ang operasyon ng isang food plaza sa Las Piñas.
Kasunod na rin ito ng isinagawang inspeksiyon ng DTI sa naturang food plaza na nakitaan ng iba’t ibang paglabag.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, sinubukan nila ng kanyang mga tauhan na kumain sa nasabing food plaza nang hindi nagpapakilala at pinagsilbihan naman ang mga ito.
Subalit nagpulasan, aniya, ang mga cook at ibang tao sa stalls na mukhang Chinese nang dumating siya at ang iba pang naka-unipormeng tauhan ng DTI.
Dahil dito ay pinaiimbestigahan ng DTI sa Department of Labor and Employment (DOLE), gayundin sa Bureau of Immigration (BI), kung may work permits ang mga mukhang dayuhang empleyado.
Pinasisilip din ng DTI sa pamahalaang lokal ng Las Piñas kung may business permits ang 30 food stalls sa loob ng plaza.
Bukod dito, napansin din ng DTI ang ibinebentang exotic dish at maging ang paraan ng waste disposal ng mga tindahan kung saan diretso ang mantika sa kanal na namumuo at mabaho na.
Maging ang resibo ng ilang stalls ay mayroon umanong Chinese characters at hindi rehistrado sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Magugunitang nag-viral sa social media ang food plaza dahil Chinese nationals lamang umano ang uubrang kumain dito. DWIZ 882
Comments are closed.