TUMAAS ng 109.3 percent ang kabuuang foreign investment pledges na inaprubahan sa third quarter ng taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos ng PSA, ang investment pledges sa naturang panahon ay nagkakahalaga ng P27.30 billion, tumaas mula sa P13.05 billion noong nakaraang taon.
Ayon sa PSA, ang nasabing investment pledges ay nagmula sa investment promotion agencies (IPAs) na kinabibilangan ng Authority of the Freeport Area of Bataan, Board of Investments (BOI), Clark Development Corporation, Cagayan Economic Zone Authority, Philippine Economic Zone Authority, Subic Bay Metropolitan Authority at Zamboanga City Special Economic Zone Authority.
“No foreign investment approvals were reported by the BOI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BOI-BARMM), Clark International Airport Corporation (CIAC), Poro Point Management Corporation and Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority,” sabi ng PSA.
Ang Bases Conversion and Development Authority at John Hay Management Corporation, na pinakahuling nadagdag sa listahan ng IPAs na saklaw ng report, ay wala ring inaprubahang foreign investments sa third quarter ng 2023.
Ayon sa PSA, ang Singapore ang nagposte ng pinakamalaking investment commitment na nagkakahalaga ng P13.04 billion, kasunod ang Taiwan sa P3.63 billion at United Kingdom sa P3.06 billion.
Ang manufacturing ang tumanggap ng pinakamalaking halaga ng pledges sa P16.43 billion kasunod ang administrative and support service activities na may P4.28 billion, at real estate activities na may P4.22 billion.
Sa hanay ng mga rehiyon sa bansa, ang Calabarzon ang tumanggap ng pinakamalaking share ng pledged investments na nagkakahalaga ng P14.56 billion.
Sumunod ang Central Luzon na may P6.13 billion at Central Visayas, P3.87 billion. (PNA)