MOSCOW – Muling inangkin ng France ang World Cup sa pamamagitan ng 4-2 panalo laban sa Croatia noong Linggo.
Ito na ang ikalawang beses na nagwagi ang France sa naturang torneo sa loob ng 20 taon sa tatlong beses na pagsalang sa finals.
Ito naman ang unang pagkakataon na nakapasok ang Croatia sa World Cup finals.
Sa pamamagitan ni Antoine Griezmann ay naitala ng France ang unang goal para sa laro sa ika-18 minuto.
Pagkalipas ng 10 minuto ay naipasok naman ni Ivan Perisic ang unang goal para sa Croatia upang itabla ang iskor sa 1-1.
Ngunit, dahil sa isang penalty shot ay nakaungos muli ang France, 2-1, 38 minuto sa loob ng laro.
Sa panalo, si Didier Deschamps, captain ng 1998 side, ay naging ikatlo na nanalo sa World Cup bilang player at coach matapos nina Mario Zagallo ng Brazil at Franz Beckenbauer ng Germany.
Ito ang highest-scoring final magmula nang gapiin ng England ang West Germany, 4-2, matapos ang extra-time noong 1966 at pinakamataas sa normal time buhat nang talunin ng Brazil ang Sweden, 5-2, 60 taon na ang nakalilipas.
Comments are closed.