FRANCHISING NG AUTO REPAIR SHOP

ANG isang nagsisimula o batikan nang negosyante ay makakapakinabang sa karanasan at sistema ng isang franchise lalo pa nga kung mayroon namang panahon at kapital ito at karanasan na lamang sa nais na pasuking negosyo ang kinakailangan. Tinutugunan ng franchising ang napakaraming kakulangan upang matagumpay na maitayo, mapatakbo at makuha ang ROI o return of investment sa lalong madaling panahon ng isang auto servicing business

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga pakinabang sa pagpa-franchise ng isang auto repair shop.

MABABANG KAPITAL

Bukod sa pagnenegosyo sa pagkain, katulad ng mga restaurants at mga fast-food chains, isa sa mga lumalaking pangangailangan na hitik sa oportunidad ay ang paggawa ng mga sasakyan, at pagdating sa kapital, dito may malaking katipiran ang negosyo na ito. Kung ang franchise ng isang fast-food chains ay nagkakahalaga ng 20-25 milyong piso, ang isang auto repair shop franchise ay nagkakahalaga sa 7-15 milyong piso. Sa kapital na ito, mayroon ng limang bays na may mga lifters, computerized wheel alignment at sapat na kagamitan upang maka-engganyo at makagawa ng mas maraming serbisyo ang isang shop.

WALANG NABUBULOK

Dahil serbisyo ng sasakyan ang inaalok ng isang franchise ng auto repair shop, wala itong anumang panganib na maaaring mabulok na mga supply na kinakailangang magamit agad bago dumating ang expiration date ng mga ito. Ang mga piyesa ng sasakyan, at kahit na iyong mga goma at mga ilang fluids, ay halos walang expiration date o kung mayroon man ay taon ang inaabot, at hangga’t may sasakyan na maaaring pagkabitan, ang mga ito ay maaari pa ring gamitin. Isa ito sa mga pakinabang ng auto servicing business, walang naaaksaya dahil sa pagkabulok ng mga supply.

KAUNTING TAO, MAIKLING ORAS

Muli, kung ihahalintulad ang franchise ng auto repair shop sa isang fast food, ito ay nangangailangan ng mas kakaunting tao, na nangangahulugan ng mas maliit na sakit ng ulo sa nagpapatakbo ng mga ito. Ang isang shop ay mangangailangan lamang ng limang tao upang tumakbo ng maayos, sa kabilang dako naman ang isang fast food ay nangangailangan ng doble nito o higit pa. Hindi rin kinakailangan ng isang shop na magbukas ng mahigit sa 8-10 oras bawat araw, dahil ang dagsa ng mga customer nito ay halos tuwing may mga pasok lang din. Dahil nga mas maliit ang kinakailangang kapital, hindi rin pilit ang isang shop na magbayad ng overtime o magdagdag ng shift, para lang makatanggap ng mas maraming customer. Ito rin ay dahil may sapat na sistema kung paano ma-optimize ang shop.

SUBOK NG PANDEMYA

Higit sa lahat, dahil sa nagdaang pandemic, na kung saan, napakaraming mga fast food at restaurant businesses ang nagsara, mas lalong sinubok ang katatagan ng isang auto repair shop business. Dahil may maayos na sistema ng isang franchise at mga tinatawag na business continuity plans, na sa kabila ng mga pagsubok na dumaan ay mas marami sa mga ito ang nanatiling nakatayo, nakatawid at umuunlad at testamento na ito ay isang maasahang negosyo, basta may sapat na sistema, suporta ng network, mga loyal customer, at mga empleyado na laging handang magtaguyod nito.

Ang isang maaasahang franchise ay sapat at tuloy-tuloy ang suporta.

Napatunayan ng pandemic na lumipas, na ang sasakyan ay naging isang mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng nakararami at ang kaakibat na oportunidad sa paggawa ng mga ito, kaya naman nananatiling isang magandang konsiderasyon ang isang auto repair shop business kung nais pasukin ang larangan ng pag-franchise nito.

Para sa inyong mga komento at suhestyon sa tinalakay na paksa sa kolum na ito, pakibisita ang aking mga social media pages @talyermentor.