Mga laro sa Miyerkoles:
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. – Converge vs Terrafirma
6 p.m. – Ginebra vs NLEX
DINISPATSA ng Phoenix ang Rain or Shine, 106-102, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa PBA Philippine Cup kahapon sa Mall of Asia Arena.
Sinandigan ng Fuel Masters si RJ Jazul na kumamada ng team-high 25 points at itinanghal na Best Player of the Game.
Sumablay ang tres ni Rey Mambatac matapos na tumawag ng timeout si coach Chris Gavina upang malasap ng Elasto Painters ang ikatlong kabiguan sa apat na laro.
Umiskor si Jazul ng tatlong bonus shots sa foul ni Jewel Fonferrada at sinundan ng isang tres makaraang gumawa ng error ang Rain or Shine upang ibigay sa Phoenix ang 93-86 kalamangan na dinagdagan ni Matthew Wright ng dalawang puntos para sa 95-86.
Ang anim na sunod na puntos ni Jazul ang naging susi sa panalo ng Phoenix matapos na talunin ang kulelat na Terrafirma noong Biyernes sa Ynares Centre sa Antipolo.
“Nagkataon lang na sinuwerte sa latter part saka I have to be composed… para hindi ma-rattle ang grupo,” ang paglalarawan ng 36-year-old na si Jazul sa kanyang kabayanihan kung saan bumuslo siya ng 7-for-10 mula sa field, kabilang ang 6-for-8 mula sa 3-point range.
Nagpaligsahan sa shooting sina Jazul at Mambatac sa last quarter.
Kinontrol ng Phoenix ang laro at hindi pinakawalan ang hawak sa trangko sa kabila ng pagpupumiglas ng Elasto Painters na nagbanta sa 86-87 bago pumutok si Jazul.
Lumamang ang Phoenix ng 19 points, 48-29, sa back-to-back tres ni Jazul at tinapos ang first half na abante sa 54-45.
– CLYDE MARIANO
Iskor:
Phoenix (106) – Jazul 25, Wright 20, Perkins 17, Anthony 14, Muyang 11, Tio 7, Porter 4, Serrano 4, Mocon 2, Pascual 2, Garcia 0, Lalata 0, Rios 0, Melecio 0.
Rain or Shine (102) – Nambatac 27, Belga 15, Nieto 12, Caracut 12, Ponferrada 10, Santillan 9, Demusis 9, Asistio 3, Norwood 3, Torres 2, Mamuyac 0.
QS: 33-25, 54-45, 85-81, 106-100