GA INIURONG NG POC SA ENERO 26

Abraham Tolentino

IPINAGPALIBAN ng Philippine Olympic Committee (POC) ang first General Assembly (GA) nito mula Enero  12 sa 26 dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sinabi ni POC President Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino na ayaw isugal ng body ang kalusugan ng mga miyembro at opisyal nito sa paglobo ng infections na naitala matapos ang holidays.

Ang hybrid GA ay nakatakda sa Grandmaster Hotel sa Tagaytay City.

Ayon kay Tolentino, sa postponement ay nabalam ang pagratipika ng  GA sa rekomendasyon ng POC Ethics Committee na nagdedeklara kay Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) president Philip Ella Juico bilang persona non grata.

“We just cannot risk everybody’s health and although we have a stacked agenda to start the year, we have to heed protocols,” sabi ni Tolentino.

Aniya, kabilang din sa nabimbing agenda ang  updates at finalization ng mga aktibidad sa Winter Olympics na magsisimula sa Pebrero 4, ang Hanoi 31st Southeast Asian Games sa Mayo at ang Hangzhou 19th Asian Games sa Setyembre.

“The Paris Olympics are just already only two years away but we’re putting priority on the Games,” ani Tolentino.

Idinagdag pa ni Tolentino na tatalakayin din sa  GA ang updates sa financial aid program ng POC sa mga atleta at coach na labis na naapektuhan ng bagyong Odette.