(ni CT SARIGUMBA)
MARAMI sa atin ngayon na handang-handa na at nakabili na ng regalo para sa kani-kanilang mga inaanak at mahal sa buhay. Lahat din ng mga bata, excited sa matatanggap na regalo.
Bukod nga naman sa napakasasarap na pagkain, kaliwa’t kanang party ay hindi puwedeng mawala ang pagbibigay ng regalo sa mga taong mahahalaga sa atin. May ilan din na kahit mga bagong kakilala o katrabaho ay hinahandugan ng katangi-tanging regalo. Marami rin sa atin na nagbibigay ng mga aginaldo sa mga kapus-palad o higit na nangangailangan.
Ngayong Pasko, isa nga naman sa magandang gawin ay ang pagbibigay o pagbabahagi ng blessing o biyayang natanggap natin sa buong taon. Kumbaga, kahit na hindi natin kilala o alam nating may nangangailangan, nagdo-donate tayo para pinatahan din ng ngiti hindi lamang ang kanilang mga pisngi lalong-lalo na ang kanilang mga puso.
Sa ganitong mga panahon din, gumagawa tayo ng paraan upang mawala ang mga galit o tampong namumuo sa ating mga puso.
Ngunit sa usapang regalo, gaano nga ba kamahal ang regalong ibibigay natin sa mga taong mahahalaga sa atin? Kailangan bang branded? Dapat bang mahal? O swak na ang abot-kayang halaga?
Ngunit bago ang halaga o klase ng regalong ating ibibigay, ano nga ba ang dahilan ng pagbibigay natin ng regalo?
Nakasanayan na nating magbigay ng mga regalo kapag Pasko. Ito rin kasi ang pinakaaabangan ng mga bata. Masarap sa pakiramdam iyong nagbibigay tayo ng regalo. Maluwag sa dibdib lalo na’t sa kaunting nakayanan natin, nasiyahan ang ating binigyan o hinandugan.
Kapag nagbibigay rin tayo ng regalo, kailangang ibigay natin ito nang maluwag sa ating loob. Hindi iyong napipilitan lang. O kaya naman ay ginawa mo para lang mapuri ng iba. O ang masaklap, para sabihing nagbigay ka.
Gaano kamahal ba dapat ang ibibigay nating regalo? Dapat bang mahal at may tatak ito? Presyo ba ang sukatan sa pagbibigay ng regalo nang masiyahan ang ating pagbibigyan?
Sa katunayan, hindi mahalaga kung mura o mahal ang ibibigay mong regalo. Walang halaga ang presyo lalo na kung taos sa puso mo itong ibinigay. Ang importante galing iyan sa puso. Sabi nga ‘di ba, iyong binunot o galing sa kawalan ay mas mahal kaysa sa kinuha sa kasaganaan. Nangangahulugan lamang iyon na ang mas mahalaga ay ang nagbigay ka ng kusa. Hindi iyong presyo. Hindi kung ano ang tatak. At may kalakip na pagmamahal.
Kahit na ano pa iyan. Kahit na sampung piso lang ang presyo niyan, mahalaga iyan. Wala iyang katulad. Kasi ibinigay mo dahil gusto mo. Hindi para mapuri o para masabing nagbigay ka.
Hindi rin kailangang magbigay ka ng mahal tapos ay hindi mo tatanggalin ang presyo. Sa pagkakaalam ko naman, walang taong naglalagay ng presyo sa regalo—sabihin man nating mayaman iyan o mahirap.
Lumalabas kasing mayabang kapag hindi natin natatanggal o tinanggal ang presyo ng ibibigay nating regalo.
Kung minsan, imbes na matuwa ang iyong bibigyan dahil mahal at maganda ang regalo mo, sasama pa ang loob. Sino nga namang hindi kung nakakabit pa sa ibinigay sa kanya ang presyo. Para naman kasing pinababayaran. O parang ipinamumukhang hindi niya kayang bumili ng gayun.
Kahit pa mahal ang regalong ibibigay mo, hindi dapat natin nakaliligtaang tanggalin ang presyo. Kung hindi mo kasi tatanggalin ang presyo parang nagmamalaki ka. Parang sinasabi mong mahal ka magbigay ng regalo.
Siguro, sa pagmamadali na rin, may mga taong nakaliligtaan talagang tanggalin ang presyo ng kanilang mga ireregalo. Gayunpaman, maglaan tayo ng oras para tingnang maigi ang ating babalutin o ipababalot na regalo.
Mabuti na iyong tiyak tayong wala iyang presyo. Para maging mas merry ang Christmas. Huwag nating kaliligtaan ang diwa ng nasabing okasyon—ang pagbibigayan at pagmamahalan. Kaya’t kung may pagkakataon, magbahagi tayo ng mga natanggap nating biyaya—sa mga kakilala man o hindi. Dapat ding bukal sa ating mga puso ang pagbibigay natin ng regalo. Ibig sabihin, huwag tayong maghintay ng kapalit sa ibinigay nating regalo.
Huwag ding sumama ang loob natin kung magpasalamat man sila o hindi sa ibinahagi nila sa atin.
Higit sa lahat, mag-enjoy tayo sa bawat oras na kasama natin ang ating pamilya, gayundin ang mga taong mahahalaga sa atin. Pasalamatan din natin sila sa patuloy na pagmamahal nila sa atin at pagtanggap. (photos mula sa google)
Happy holiday!
Comments are closed.