GAME 1(Beermen vs FiberXers; Kings vs Batang Pier)

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3 p.m. – Converge vs San Miguel
5:45 p.m. – Ginebra vs NorthPort

MAGSASALPUKAN ang Converge at ang San Miguel Beer habang magsasagupa ang Barangay Ginebra at ang NorthPort sa pagsisimula ng kanilang best-of-three quarterfinals sa PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Philsports Arena sa Pasig.

Nakatakda ang bakbakan ng FiberXers at Beermen sa alas-3 ng hapon, na susundan ng duelo ng Kings at Batang Pier sa alas-5:45 ng hapon.

Pinapaboran ang third-seeded Ginebra kontra sixth-ranked NorthPort dahil namayani ang Kings sa kanilang elims duel (122-105) at tumapos na tatlong laro ang angat sa Batang Pier sa team standings.

Sa kabila nito ay walang balak ang Kings na magkampante, lalo na’t seryosong kinokonsidera ni coach Tim Cone ang Batang Pier bilang mapanganib na katunggali.

Sinabi ni Cone na maganda ang nilalaro ng Batang Pier sa torneo, at nag-iingat siya sa ilang dating Kings na nagaganyak na ipakita kung ano ang kanilang magagawa.

“That’s natural for a player to be motivated playing against your former team. And we have eight former players in that team. They know well what we’re doing,” wika ni Cone.

Nagbida si Arvin Tolentino, bahagi ng package na dinala ng Ginebra sa NorthPort kapalit ni Jamie Malonzo, para sa Batang Pier na may 24 points sa kanilang elims tiff noong nakaraang Nob. 27.

Ang iba pang ex-Kings na gumagawa para sa Batang Pier ay sina Kevin Ferrer, Jeff Chan at Prince Caperal.

Siyempre ay may players din ang Kings na pamilyar kay coach Pido Jarencio at sa kanyang sistema.

Subalit iginiit ni Cone na mabigat na kalaban ang NorthPort.

“They’re a talented team. They are a tough matchup particularly for us because we like to play big and they like to play small and quick,” ani Cone.

“We had a tough time against them the last game,” dagdag ni Cone.

Tunay na ang Batang Pier ay kumpetitibo sa pangunguna nina Robert Bolick, Tolentino at Will Navarro at sa defensive at rebounding might na ipinagkakaloob ni import Prince Ibeh.

Inaasahan naman ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng fourth-ranked FiberXers at ng fifth-seeded Beermen.

“It’s gonna be a battle, for sure,” pagtataya ni SMB import Devon Scott, na may sariling personal agenda.

Sa unang tingin ay ang Converge ang tila ‘underdog’ dahil natalo ito sa kanilang huling dalawang laro sa eliminations matapos ang seven-game winning streak. Subalit nananatili itong malakas sa kanilang matinding pressure defense at up-tempo style ng laro.

Ang FiberXers ay namayani sa Beermen, 106-102, sa kanilang elimination round meeting noong nakaraang Oct. 21, kung saan umabante sila ng hanggang 17 points bago humabol mula sa 95-100 deficit nang malimitahan ang defending champion sa single field goal sa huling 4:36 ng laro.

“We will watch a lot of tapes and watch what went wrong with that loss and we will find ways to get better at it,” ang pangako ni SMB assistant coach Jorge Gallent.

CLYDE MARIANO