MULING sisikapin ng Los Angeles Lakers na makopo ang korona habang target ng Miami Heat na maitabla ang serye at humirit ng ‘do or die’ sa Game 6 ng NBA Finals sa Linggo (US time).
Magiging krusyal ang lakas at sigasig, adjustments, at ang posibleng injuries — higit kay Lakers superstar Anthony Davis — sa muling pagtatangka ng Lakers na masikwat ang ika-17 NBA title sa franchise history at una nila magmula noong 2010.
Nakahanda na ang champagne at ang pagbagsak ng confetti para sa Lakers noong Biyernes, subalit pinigilan ni Jimmy Butler at ng Heat ang selebrasyon sa pamamagitan ng 111-108 panalo sa quarantine bubble ng NBA sa Orlando.
Nalusutan nila ang 40-point performance mula kay LeBron James, at naghahabol pa rin sa 3-2 sa best-of seven series.
“It’s win or win for us,” wika ni Butler. “We like it this way.”
Sa kabila ng 35-point triple-double ni Butler at ng 26 points mula kay undrafted second-year forward Duncan Robinson, kabilang ang pitong three-pointers, ang Lakers ay may tiyansang selyuhan ang panalo sa huli.
May pitong segundo ang nalalabi, ipinasa ni James, na kinuyog ng mga defender ng Miami sa ilalim ng basket, ang bola kay wide-open Danny Green sa ibabaw ng arc.
Subalit kumalatong sa rim ang three-point attempt ni Green at bumagsak ang rebound kay Lakers reserve Markieff Morris na mabilis na ibinato ang bola.
“It’s a tough loss,” pag-aamin ni Lakers coach Frank Vogel.
Sa kabila nito ay kumpiyansa si Vogel na hindi magkakaroon ng emotional let-down sa Game 6.
“Our group’s fine,” aniya, bagama’t ang physical recovery ay maaaring maging problema.
Nangako si Davis na magiging ok siya para sa Game 6 makaraang lumala ang sore right heel sa huling bahagi ng first quarter noong Biyernes.
Nanatili siya sa laro at kumamada ng 28 points at 12 rebounds na may tatlong blocked shots, subalit naapektuhan ang kanyang paggalaw sa huli.
“He’s a warrior,” sabi ni James, at idinagdag na maging ang limitadong si Davis ay isang mahalagang asset.
“Just him being out there, hobbled, just brings a lot more confidence to myself and our team.”
Gayunman ay kailangan nina James at Davis ang supota ng kanilang mga kasamahan, at batid ito ng Lakers.
“He steps up in big moments,” wika ni Lakers guard Alex Caruso patungkol kay James. “It’s unfortunate that we couldn’t make one more play for him either defensively or offensively to help him out, because he was giving it his all.”
Comments are closed.