(Gamit ang modernization) TRANSPORT GROUP, PUMALAG SA “INVESTMENT SCHEME” 

Efren de Luna

NANINIWALA si Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) National President Efren de Luna na may nagaganap na kutsabahan sa pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at kompanyang YellowDOT Transport Terminal Inc. kaugnay sa nagaganap na “investment scheme” kung saan maraming hinihikayat na pumasok na mamuhunan ang mga jeepney operator.

Sa isang panayam ng PILIPINO Mirror,  pinalagan ni De Luna ang pagbigay ng LTFRB ng accreditation sa naturang kompanya kung saan nagtatago aniya sa PUV modernization program ng pamahalaan.

Pinagbatayan ni De Luna ang ipinalabas na babala ng Securities and Exchange Commission (SEC) na nagpahayag ng pag-iingat ang mga jeepney operator na pumasok sa naturang scheme upang makaiwas sa anumang panloloko ang mga nasa sekta ng transportasyon.

Lumalabas aniya na sa pamamagitan ng nasabing kompanya, hinihikayat ang mga operator ng jeep na mamuhunan sa halagang P300,000 kada  kada operator  upang mapabilang sa programa ng PUV modernization.

Subalit ayon kay De Luna, isang panloloko lamang ito dahilan sa kanilang natuklasan na panlilinlang lamang ang ginagawa ng naturang aniya’y kapitalista gayong mismong ang SEC na ang nakasilip  dito.

Nakatakdang magsagawa ng kilos protesta ang ACTO sa tapat ng Department of Transportation (DOTr) sa Ortigas upang liwanagin ang naturang paglutang ng naturang kompanya na umano’y kasali sa jeepney modernization.

Kasunod nito, nanawagan si De Luna kay DOTr Secretary Arthur Tugade na masusing imbestigahan ang pagpasok ng YellowDOT Transport Terminal Inc. upang maiwasan ang posibleng panloloko sa kanilang hanay. BENEDICT ABAYGAR, JR.