(Ni CT SARIGUMBA)
HINDI naman kailangang magkaroon ng malaking budget para lang masabing makapagdiriwang kayo ng Valentine’s Day. Oo nga’t pagpaparamdam ng pag-ibig ang naturang araw. Gayun-paman, hindi naman ibig sabihin nito ay kailangan n’yo pang gumastos o magtungo sa ibang lugar para lang makapag-celebrate.
Walang oras, panahon at tamang lugar ang pagpaparamdam ng pag-ibig.
Kahit na sa bahay lang ninyo ipagdiwang ang Valentine’s day, maaari na iyang maging kasiya-siya at katangi-tangi.
Kaya naman sa mga magkakapamilyang nag-iisip ng maaaring gawin upang maging mas masaya ang Valentine’s day kahit na sa bahay lang, narito ang ilang paraan na swak subukan:
GUMAWA NG SIMPLENG DEKORASYON
Nang mas maramdaman natin ang diwa ng Valentine’s Day, isa sa mainam gawin ay ang paglalagay ng dekorasyon na nagpapahiwatig sa nasabing okasyon o pagdiriwang.
Hindi rin kailangang magarbo ang gagawing dekorasyon, kahit na simple lang ang gawin basta’t pinaghirapan ito, tiyak na magiging kakaiba at makulay ang inyong bahay.
Piliin lang din ang pula dahil nagpapahiwatig ito ng pag-ibig.
At siyempre, huwag kaliligtaang ang mga dekorasyong puso.
MAGLUTO NG MGA DESSERT NA HUGIS PUSO
Bukod din sa pagdedekorasyon ng tahanan, silid o opisina, isa pa sa mainam gawin ay ang pagluluto ng mga dessert gaya ng cookies na hugis puso.
Sa mga mahihilig mag-bake, subukan o mag-isip ng mga kakaibang dessert na swak sa nasabing okasyon.
Bukod sa paggawa ng cookies na hugis puso, maaari ring gumawa ng cake o kaya naman cupcake.
Walang katulad na kaligayahan ang tiyak na maipipinta sa inyong mga puso habang pinagsasaluhan ang inyong mga handa sabihin mang simple lang ang mga iyan.
MANOOD NG KINAHIHILIGANG PALABAS
Hindi rin naman kailangang lumabas pa o magtungo sa mall o sinehan para lang makapag-enjoy o ang makapanood ng mga ki-nahihiligang palabas. Sa bahay lang ay maaari nang mag-movie marathon ang buong pamilya.
Dahil nga naman sa patuloy na pagbilis ng teknolohiya, maraming paraan upang makapanood tayo ng mga kinahihiligan nating palabas. Nariyan ang laptop o cellphone na maaaring magamit.
MAG-ISIP NG MGA NAKATUTUWANG LARO
Abala ang maraming pamilya, lalong-lalo na ang mga magulang sa pagtatrabaho kaya’t minsan ay nawawalan sila ng panahong maka-bonding o makapaglaan ng panahon sa kanilang mga anak.
Para rin mag-enjoy, bukod sa pagsasalo-salo ng mga handa o kahit simpleng merienda, isa pa sa mainam gawin ay ang paglala-ro.
Mag-isip kayo ng mga nakatutuwang laro gaya ng board games. O kung mahilig naman kayo sa computer o online games, maaaring iyon ang gawin ninyo.
MAGKUWENTUHAN
Sa kaabalahan din, maraming pamilya ang halos hindi na nakapag-uusap sabihin mang sa iisang bahay lamang sila nakatira.
Mainam ding gamitin ang Araw ng mga Puso upang makakuwentuhan ang bawat miyembro ng inyong pamilya.
Sa pamamagitan nga naman ng pagkukuwentuhan o pag-uusap ay mas lalong napalalapit sa isa’t isa ang bawat pamilya.
Nagiging daan din ito upang maging updated tayo sa mga nangyayari sa ating pamilya, lalong-lalo na sa ating mga anak.
MAG-STORY TELLING O MAGBASA NG LIBRO
Masaya ring gawin ang pagbabasa ng libro o ang pag-story telling. Kaya naman, isa pa ito sa puwedeng subukan sa mga panahong nagba-bonding o magkakasama kayo ng inyong buong pamilya.
MAGTULONG-TULONG SA PAGLILINIS NG BAHAY
Puwede rin namang gamitin ang Valentine’s Day upang magtulong-tulong ang bawat miyembro ng pamilya sa paglilinis ng buong bahay.
Kapag pinagtutulong-tulungan din ang mga gawain, gumagaan ito’t natatapos kaagad.
Aminado naman tayong mas inuuna nating mga magulang ang pagtatrabaho para sa kapakanan ng ating pamilya. Gayunpaman, huwag din sana nating kaligtaang maglaan ng oras at panahon sa ating mga anak. At ang pagsapit nga ng Valentine’s Day ay isang natatanging araw na maaari nating magamit upang maka-bonding natin ang ating mahal sa buhay.
Kadalasan ay magkasintahan ang nagdiriwang ng Valentine’s Day. Pero hindi lamang para sa dalawang nilalang na nagmamahalan ang natatanging araw kundi para sa buong pamilya. Para sa mga taong nagmahal, nagmamahal at minamahal.
Kaya ngayong Valentine’s day, gaano man tayo kaabala ay gumawa tayo ng paraang makasama natin ang ating mahal sa buhay—kahit na saglit lang. Dahil kahit na saglit lang iyan, magiging katangi-tangi iyan at ‘di malilimutan, lalo na kung ginawan natin ng paraan sa kabila ng ating kaabalahan.