GILAS WOMEN
Laro sa Miyerkoles:
(Morodok Elephant Hall 2)
3 p.m. (4 p.m. Manila time) – Philippines vs. Cambodia
GILAS MEN
Laro sa Huwebes:
(Morodok Elephant Hall 2)
5 p.m. (6 p.m. Manila time) – Philippines vs. Cambodia
PHNOM PENH. – Matikas na sinimulan ng Gilas Pilipinas ang kanilang redemption bid makaraang tambakan ang Malaysia, 94-49, sa 32nd Southeast Asian Games men’s basketball meet nitong Martes sa Morodok Techo National Stadium Elephant Hall 2.
Nagbuhos si Brandon Ganuelas-Rosser ng 15 points at 5 rebounds, habang nagtala si Justin Brownlee ng 11 points at 4 rebounds sa kanyang SEA Games debut.
Tumipa si Arvin Tolentino ng 10 points, habang nagdagdag si La Salle big man Michael Phillips ng 9 points at 15 rebounds para sa Gilas Pilipinas na dinomina ang laro mula sa umpisa.
“We challenged the first group to get us off to a good start. It’s really their responsibility to start us off well,” wika ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes.
Pahinga ng isang araw ang koponan bago harapin ang host Cambodia, na pinalakas ng anim na naturalized players kabilang ang trio nina Sayeed Pridget, Brandon Peterson, at Darrin Dorsey, mga miyembro ng 3×3 team na nagwagi ng gold.
Ang pahinga ay magbibigay rin ng pagkakataon kay Calvin Oftana na magpagaling makaraang magtamo ng strained calf muscle matapos na madulas sa first half.
“We have a casualty right away. Calvin Oftana strained a calf muscle that’s why we didn’t play him anymore in the second half,” ani Reyes.
Samantala, magsisimula ang women’s competition sa Miyerkoles kung saan makakasagupa ng Pilipinas ang Cambodia sa alas-3 ng hapon (4 p.m.Philippine time).
-CLYDE MARIANO
Iskor:
Philippines (94) – Ganuelas-Rosser 15, Brownlee 11, Tolentino 10, Lassiter 9, M. Philips 9, Lastimosa 8, Amos 8, Perez 8, Newsome 7, Oftana 5, Standhardinger 4, Ross 0.
Malaysia (49) – Yi Hou 15, Chun 7, Xian 7, TIan 6, Zi 4, Yee 3, Jing 3, Maegen 2, Wee 2, Wen Qian 0, Wei 0, Yong 0.