GILAS MINASAKER ANG QATAR, ABANTE SA Q’FINALS

Gilas

TINAMBAKAN ng Gilas Pilipinas ang Qatar, 80-41, at umusad sa quarterfinals ng 19th Asian Games nitong Lunes sa Hangzhou, China.

Makakasagupa ng Gilas ang powerhouse Iran sa quarterfinals na nakatakda ngayong Martes, alas-12 ng tanghali.
Bumawi si Calvin Oftana mula sa pagkabokya nang matalo sa Jordan noong Sabado sa pagsalpak ng tatlong triples sa first quarter, na nagtapos na abante ang mga Pinoy sa 33-14.

Nalimitahan ang Qatar sa apat na field goals lamang sa naturang quarter na kinontrol ng mga Pinoy.

Isang long jumper ni CJ Perez sa huling bahagi ng third period ang nagbigay sa Gilas ng pinakamalaking kalamangan sa 43 bago ang payoff period, 73-30. Hindi na nakahabol pa ang youthful Qatar side, na ang pinakabatang player ay 15-anyos lamang.

Nanguna sina Perez at June Mar Fajardo para sa Gilas na may tig-12 points habang tumapos si Oftana na may 11.
Patungo sa playoffs, ginapi ng Gilas ang Bahrain at Thailand ngunit natalo sa Rondae Hollis-Jefferson-led Jordan sa final group stage game.

May 2-1 kartada, kinailangang harapin ng Gilas ang Qatar sa qualification sa quarterfinals dahil ang top four teams lamang matapos ang eliminations ang awtomatikong aabante sa quarterfinals.