NALUSUTAN ng Gilas Pilipinas ang matikas na pakikihamok ng Thailand, 87-72, upang maitala ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Makaraang maghabol sa 68-50 sa pagtatapos ng third period, bumanat ang Thais ng 13-0 run sa pagsisimula ng final frame at tinapyas ang kanilang deficit sa single digit, 63-68. Umabot ng apat na minuto bago naputol ng mga Pinoy ang scoring dry spell sa basket ni Ange Kouame.
Nahirapan si Justin Brownlee sa opensa kung saan naipasok niya ang walo lamang sa kanyang 27 field goals (30%) subalit tumapos pa rin na may 22 points, 15 rebounds, 5 assists, at 4 steals upang bigyan ang Gilas ng 2-0 record sa ibabaw ng Pool C.
Sa kabila ng kanyang shooting woes, isinalpak ni Brownlee ang key buckets sa fourth quarter upang malusutan ng Pilipinas ang mainit na paghahabol ng Thailand, sa pangunguna ni Frederick Lish, na naitala ang 12 sa kanyang 22 points sa period.
Nag-ambag si CJ Perez ng 16 points, 7 rebounds, 4 assists, at 3 steals, habang nagsalansan si Scottie Thompson ng 7 points, 9 assists, 8 rebounds, at 2 steals.
Nagdagdag si June Mar Fajardo ng 9 points at 6 rebounds para sa Gilas Pilipinas.
Nanguna si Tyler Lamb para sa Thailand na may game-high 29 points, bagama’t nalimitahan siya sa 8 points lamang sa pivotal second half.
Nahulog ang Thailand sa 0-2.
Makakasagupa ng Gilas Pilipinas si PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson at ang Jordan sa duelo ng unbeaten teams sa Sabado, September 30, kung saan pag-aagawan nila ang isang outright quarterfinal berth.
Tanging ang top team mula sa bawat grupo ang direktang magkukuwalipika sa quarterfinals.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Philippines (87) – Brownlee 22, Perez 16, Fajardo 9, Oftana 8, Thompson 7, Aguilar 6, Kouame 5, Newsome 5, Alas 3, Tolentino 3, Lassiter 3, Ross 0.
Thailand (72) – Lamb 29, Lish 22, Muangboon 6, Morgan 5, Jakrawan 4, Klahan 4, Klaewnarong 2, Towaroj 0, Boonserm 0, Jaisanuk 0.
QS: 20-22, 41-35, 68-50, 87-72.