GILAS SASALANG SA TUNE-UP GAME VS KOREAN TEAM

gilas

SASALANG ang Gilas Pilipinas sa warm-up game bago ito umalis patungong Hangzhou, China, kontra Korean club Changwon LG Sakers Biyernes ng alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig.

“They’re a very, very strong team and they’ll bring a couple of imports, so they’ll be a really good test,” sabi ni Gilas coach Tim Cone patungkol sa tune-up match laban sa Korean team na pinalakas nina Americans Dante Cunningham at Reggie Perry, Egyptian Assem Marei at Filipino player Justin Gutang.

Ang laro ay bukas sa publiko, at iniimbitahan. ni Cone ang Gilas supporters na manood at suportahan ang koponan hanggang sa Asian Games competition sa Hangzhou kung saan makakaharap ng Team Philippines ang Bahrain, Thailand at Jordan sa group play.

“We hope that we can fill the stadium up,” sabi ni Cone patungkol sa kanilang nag-iisang tune-up game bago ang Asiad.

Nakatakda sanang makalaban ng Gilas ang Meralco noong nakaraang Martes sa Inspire Sports Academy sa Laguna subalit dahil sa ‘uncertainties’ sa kalagayan nina Calvin Abueva, Jason Perkins, Terrence Romeo at Mo Tautuaa ay napilitang kanselahin ang friendly.

Hanggang press time ay hinihintay ng koponan ang desisyon ng Asiad organizers kung papayagan ang quartet na makapaglaro. Kung hindi ay sina Chris Ross, Kevin Alas, Arvin Tolentino at CJ Perez ang makakatuwang nina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Calvin Oftana, Chris Newsome, Justin Brownlee, Ange Kouame at Marcio Lassiter.

Ang Nationals ay limitado sa pag-eensayo magmula nang mabuo, 11 araw na ang nakalilipas.

“We really don’t have much time to play a lot of friendly games. To me, the practices are more important than the friendlies or the practice games because we learn more in the practices than the games,” ani Cone.

Umaasa sila na ang mga natutunan ay sapat sa kanilang pagtatangka para sa unang podium finish para sa bansa sa Asian Games magmula nang magwagi ang Centennial Team ng bronze noong 1998 sa Bangkok. Si Cone mismo ang arkitekto ng naturang bronze feat.

Sa Hangzhou, walang ibang hangad si Cone kundi gold.

-CLYDE MARIANO