HANOI – Simula na ngayon ang gold medal bid ng Gilas Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games sa pagsagupa sa Thailand sa Thanh Tri Gymnasium.
Haharapin ng Nationals ang Thais sa alas-4 ng hapon (alas-5 ng hapon sa Manila) para simulan ang kanilang kampanya para sa ika-19 na SEA Games gold medal sa men’s basketball.
Gayunman ay inamin ni head coach Chot Reyes na mas magjging matindi ang laban ngayon ng Gilas mula sa rehiyon, kabilang na ang Thailand.
Ibinunyag ni Reyes na ang 3×3 team ng Thailand na nagwagi ng gold noong Sabado na kinabibilangan nina Moses Morgan, Frederick Lish, Antonio Price Soonthornchote, at Chanatip Jakwaran ay sasabak din sa 5-on-5.
“The kind of opposition that we have here is serious. They are a serious threat. We already saw what happened in the 3×3. Those are the guys. We know their level and that’s why it’s very important that we will be able to beat that challenge,” ani Reyes.
Ang Gilas ay nagkaroon din ng last-minute changes sa kanilang roster kung saan ipinasok si Kiefer Ravena makaraang hindi makasama rito sina Robert Bolick at Dwight Ramos. Kinailangang umuwi si Bolick sa US para sa kanyang may sakit na ama habang si Ramos ay may commitments pa sa kanyang koponan sa Japan B.League, ang Toyama Grouses.
Umatras din si Kevin Alas sa Gilas para alagaan ang kanyang asawang si Selina, nw na na-diagnose kamakailan na may pambihirahg cancer na tinatawag na Gestational Trophoblastic Neoplasia.
Target ni Ravena ang ika-6 na SEA Games gold medal, at may pagkakataong makamit ito kasama ang kanyang kapatid na si Thirdy, na nasa kanyang debut sa biennial meet matapos ang kanyang ikalawang season sa San-En Neophoenix sa Japan.
Kabilang din sa koponan sina six-time PBA MVP June Mar Fajardo, Matthew Wright, Roger Pogoy, Troy Rosario, Mo Tautuaa, Kib Montalbo, Isaac Go, Will Navarro, at Lebron Lopez.