“GO ahead…be my guest.”
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa isinasagawang mass oath taking ng mga bagong miyembro ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) convention.
Ani Pangulong Duterte, gusto ng Central Intelligence Agency (CIA) ng Estados Unidos na mamatay siya kaya’t naniniwala ito na sa nasabing convention ay may mga umaaligid na ahente nito.
Dahil dito, sinabi ni Pangulong Duterte sa mga nakakalat na CIA sa nasabing okasyon, “Ang balita ko gusto nila akong patayin. Go ahead. Be my guest. After all, this country will remain the way it is if …all the leaders.”
“Pag pumutok ang helicopter ko diyan, sila ‘yan. They’re the only one interested to… ayaw nila to, ayaw nila ‘yan… Wala namang ibinibigay sa atin, at mind you, lahat ng kinukuha natin sa kanila hindi for free ‘yan. Bayad ‘yan,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte, bagaman kaalyado ng bansa ang Amerika, wala naman itong ibinibigay na libreng kagamitan dahil lahat ng kinukuha ng gobyerno ay binabayaran ng Filipinas.
Kaya’t binuweltahan nito si US Assistant Secretary of Defense for Asian and Pacific Security Affairs Randall Schriver kaugnay sa pagbili ng Filipinas na military equipment gaya ng submarines sa Russia.
Anang Pangulo, ano ang karapatan ng nasabing opisyal na ‘yun para magbabala sa bansa.
Hamon nito kay Schriver, bigyan siya ng mga rason kung bakit hindi dapat bumili ng mga submarine sa Russia at isapubliko pa ito.
Iginiit ng Pangulo, ang Filipinas lamang ang walang submarines, hindi tulad ng Vietnam na mayroong pito; dalawa ang sa Malaysia at walo ang sa Indonesia.
Gayunpaman, sa kabila ng mga pahayag ni Duterte, nilinaw nito na hindi naman kaaway ng Filipinas ang Amerika at ang nais lamang niya ay protektahan ang mga sundalo at pulis.