IBINALIK na kahapon ang operasyon ng lotto matapos ang apat na araw na pagpapasara rito na nagdala ng pagka-lugi sa gobyerno ng umaabot sa P250 milyon.
Ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na matapos ang imbestigasyon ng Office of the President ay napag-alaman na walang korupsiyon na umiiral sa lotto.
Satisfied umano ang Pangulong Duterte sa operasyon ng lotto kaya agad ding binawi ang suspensiyon nito na nag-simula nitong Sabado.
Inamin ni Panelo na noong una ay maraming natanggap na report na korupsiyon ang Pangulo kaya ipinasara niya ang mga lotto outlet upang hindi ito lumala.
Nang malaman sa imbestigasyon na malinis ang lotto sa korupsiyon ay agad namang binawi ng Pangulo ang suspensiyon dito.
Nilinaw nito na ang korupsiyon ay reklamo sa buong gaming operations at nadamay na lamang ang lotto rito.
Sa kabilang dako, patuloy namang iniimbestigahan ng Palasyo kung may nagaganap na korupsiyon sa iba pang gaming operation ng PCSO gaya ng Small-Town Lottery (STL), Keno at Peryahan ng Bayan (PNB).
Hinihinalang ang STL ay ginagawang legal cover para sa jueteng.
Sa ulat ng Commission on Audit kamakailan ay nakitaan ng combined shortfall o pagkalugi ng tinatayang P14 bilyon mula sa operasyon ng STL para sa 2017 at 2018.
Tiniyak ni PCSO General Manager Royina Garma na magiging “very, very, very strict” sila kapag nagpatuloy na ang STL sa ilalim ng bagong implementing rules.
Comments are closed.