MALAKI ang tsansa ng gold at silver medalists sa katatapos na 32nd Southeast Asia Games sa Cambodia na mapasama sa Team Philippines na sasabak sa Hangzhou 19th Asian Games, ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Toletino.
Sinabi ni Tolentino na ang ibang criterion ay ibabase sa Asian at world rankings na mahalaga dahil ang Asian Games ay qualifier para sa Paris 2024.
“That’s a parameter, gold and silver medalists in Cambodia will be strongly considered para sa national team sa Hangzhou,” wika niTolentino.
“They’ll be funded under Group A classification. The rest will be in Group B, but they need to be evaluated.”
Ang POC ay nagtakda ng Group A classification para sa mga atleta na popondohan ng Philippine Sports Commission at Group B na ang partisipasyon ay tutustusan ng kanilang national sports associations.
Ang Pilipinas ay nagwagi ng 58 golds, 85 silvers at 117 bronzes para sa kabuuang 260 medalya, sapat para sa fifth-place finish overall sa SEA Games na hinost ng Cambodia sa unang pagkakataon mula May 5 hanggang 17.
Subalit hindi lahat ng gold at silver medalists sa Cambodia ay karapat-dapat para sa Hangzhou dahil nanalo sila sa sports na wala sa Asian Games program.
Iho-host ng China ang Asian Games sa ikatlong pagkakataon — matapos ang Beijing 1990 at Guangzhou
2010—mula September 3 hanggang October 8.
Ang Pilipinas ay nagwagi ng 4 gold, 2 silver at 15 bronze medals sa 2018 18th Asia Games sa Jakarta at Palembang. Nanalo si Olympic at world weightlifting champion Hidilyn Diaz ng isa, si Yuka Saso ay may dalawa sa golf’s women’s individual at team play at si Margiely Didal ay nagwagi ng isang gold sa women’s street of skateboarding.