ANG JOINT ay parte ng katawan na nagdudugtong sa dalawang buto, ito ang nagbibigay sa atin ng postura at ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng flexibility sa pagkilos sa araw-araw. Ang espasyo sa ating joints ay mayroong liquid na nagsisilbing pampadulas at “Shock Absorber” upang ang dulo ng ating mga buto ay hindi magkiskisan na maging sanhi ng pamamaga. Ang pamamaga ng ating joints ay tinatawag na arthritis at ito ay sanhi ng maraming kadahilanan, isa rito ay ‘yung tinatawag nating Gouty Arthritis.
Ngunit ano nga ba ang sanhi ng Gouty Arthritis? Ito nga ba ay may relasyon sa pag-inom ng alak?
Bago natin talakayin ang relasyon nito, mas mainam na unahin muna kung ano nga ba ang sanhi ng Gouty Arthritis.
Ang sakit na ito ay dahil sa pamumuo ng uric acid na nagiging crystal at nade-deposit sa ating joints. Ang pagbuo ng uric acid crystals ay sanhi ng sobrang dami ng uric acid sa ating dugo. Ito ay nagsasanhi ng biglaang pamamaga ng ating joints na nagpapahirap sa pagkilos ng mga taong apektado nito.
Ang pangkaraniwang parte ng katawan na naapektuhan nito ay ang ating mga paa, tuhod, siko at kamay. Isa rin sa senyales ng taong may Chronic Gouty Arthritis ay ang tinatawag na “Tophi” na parang bukol sa ilalim ng balat at sanhi ito ng pagdeposit ng mga uric acid crystals sa ilalim ng balat.
Ang pagtaas ng Uric Acid/Urate sa ating dugo ay may tatlong klase:
- Mataas na Produksyon ng Uric Acid
- Mababang paglabas o excretion ng Uric Acid sa ating katawan
- Kombinasyon ng dalawang nabanggit
Ang mataas na produksyon ng uric acid sa ating katawan ay sanhi ng pagkain na mayaman sa purine. Ilan sa mga ito ay dairy products, red meat, lamanloob, mani at seafoods. Ang mababang excretion naman ng uric acid sa katawan ay maaaring sanhi ng mga iniinom nating gamot tulad ng diuretics o pampaihi, ethambutol at pyrazinamide na ginagamit sa sakit na tuberculosis, at salicylates.
Ang huling klase ng tinatawag na “Mixed Type” ay maaaring sanhi ng sobrang pag-inom ng alak. Ang alak, ayon sa isang respetadong Rheumatologist na si Dr. Lyndon Llamado, ay may sangkap na ethanol na nagpapataas ng produksyon ng lactic acid na siya ring nagpaparami ng uric acid sa ating dugo. Ang beer na isang klase ng alak ay nagbibigay rin ng additional na purine na nagpapataas sa uric acid bukod pa sa makinaryang nabanggit.
Ang ethanol din ay nagpapabawas sa pagtanggal ng Uric Acid sa katawan dahil sa dehydration na dulot nito na sanhi ng palagiang pag-ihi kapag ang isang tao ay naglalasing o umiinom ng alak. Ang alak ay dahilan din ng tinatawag na “Flare Ups” o ang biglaang atake ng Acute Gouty Arthritis para sa mga taong na-diagnose na ng sakit na ito.
Ang Gouty Arthritis ay dapat ipakonsulta sa isang Rheumatologist sapagkat ito ay dapat ma-monitor lalo na kapag grabe na, paulit-ulit, nakikitaan na ng mga senyales tulad ng tophi, at may komplikasyon na tulad ng kidney stones.
Ang pag-inom ng analgesics, pagpahinga, at pag-iwas sa mga pagkain na nakakataas ng uric acid ang ilan sa mga bagay na dapat gawin ng mga taong mayroon nito.
Kung mayroong katanungan, maaari pong mag-email sa [email protected] o i-like ang fanpage na medicus et legem sa facebook.