GOVS’ CUP CROWN SA ‘TROPA’

TINULDUKAN ng TNT Tropang Giga ang dalawang taong paghahari ng Barangay Ginebra, inangkin ang 2023 PBA Governors’ Cup title makaraang itarak ang 97-93 panalo sa Game 6 ng kanilang best-of-seven finals series kagabi sa Araneta Coliseum.

Nakopo ng Tropang Giga ang kanilang unang Governors’ Cup crown sa franchise history habang tinapos ang dominasyon ng Gin Kings matapos na mapanalunan nito ang huling dalawang edisyon.

Sinandigan ni Mikey Williams ang TNT sa pagkamada ng season-high 38 points mula sa siyam na three-pointers.

Isinalpak ng Filipino-American guard ang isang tres, may 1:15 minuto ang nalalabi, na nagbigay sa TNT ng 95-93 kalamangan bago ito nilapatan ni import Rondae Hollis-Jefferson ng finishing touches.

Ipinasok ni Hollis-Jefferson ang win-sealing free throws, ilang segundo na lamang ang nalalabi, at tumapos na may 29 points, 14 rebounds, 6 assists, at 2 steals para sa kanyang unang professional title.

Ginabayan ni PBA legend Jojo Lastimosa, na nakopo ang kanyang unang kampeonato bilang head coach, kinuha ng Tropang Giga ang kanilang ika-9 na korona sa franchise history upang makatabla ang fabled Toyota franchise sa sixth place sa all-time list.

Apat na Ginebra players ang nagtala ng double-digit scores, sa pangunguna ni Justin Brownlee na may 29 points, 12 rebounds, at 4 assists habang nag-ambag sina Scottie Thompson at Jamie Malonzo ng 20 at 21 markers.

Ang pagkatalo ay una ng Ginebra sa finals na kasama si Brownlee at unang pagkakataon na natalo ito sa ilalim ni head coach Tim Cone sa isang import conference.

CLYDE MARIANO

Iskor:
TNT (97) – M.Williams 38, Hollis-Jefferson 29, Erram 6, Oftana 6, K.Williams 4, Ganuelas-Rosser 4, Montalbo 3, Khobuntin 1.
Ginebra (93) – Brownlee 29, Malozno 21, Thompson 20, Standhardinger 16, Gray 4, Pinto 2, J.Aguilar 1, Mariano 0, Pringle 0.
QS: 20-27, 48-51, 77-73, 97-93.