PAGHAHABI ng tela ang ikinabubuhay ng karamihan sa mga ilaw ng tahanan sa Barangay Pinayagan Norte sa bayan ng Tubigon, Bohol.
Taong 1989 nang mabuo ang Tubigon Loomweavers Multipurpose Cooperative na may 30 miyembro na naghahabi.
Sa ilalim ng programang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), binigyan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng P5,000 puhunan ang samahan para magamit nila sa produksiyon.
Noo’y kumikita lang ang bawat miyembro ng P200-P300 kada rolyo ng telang nahahabi sa loob ng tatlong araw.
Hindi alintana ng mga nanay ang hirap ng paghahabi ng mga tela. Batid nila na ang pagsusumikap at pagod sa bawat sinulid na isinasalabat, katumbas nito’y kita na panggastos sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Kuwento ni Trina Sumayang, lider ng samahan, hindi sapat ang kinikita nila noon at kulang din sila sa mga kagamitan at pasilidad. “Iyong itsura ng puwesto namin dati mistulang kulungan ng baboy. Sa tuwing umuulan, nagpuputik ‘yung sahig dahil lupa ‘yung kinatatayuan namin.”
Ang kalagayang ito ang naging inspirasyon ng DTI para ipakita ang malasakit sa mga ina.
Naglaan ng P3 milyong pondo ang ahensiya sa Tubigon Loomweavers para makapagpatayo ng kanilang production center at showroom. Nagsagawa ng mga libreng training at seminar upang mas lumawak ang kanilang kasanayan sa paghahabi at kaalaman sa pagpapatakbo ng negosyo.
Bukod diyan, binigyan din sila ng mga makinang magagamit sa kanilang produksiyon sa pamamagitan ng programang Shared Service Facility (SSF) at isinali sa mga trade fair para mas lalong makilala ang kanilang mga likha.
Sa kalauna’y lumago ang grupo at ngayon ay may 150 miyembro na. Ang mga ulirang ina ay kumikita na ngayon ng tig-P8,000 hanggang P15,000 kada buwan. Kumikita rin ngayon ang samahan ng P1.5 milyon kada buwan.
Ang malasakit ng gobyerno para sa Tubigon Loomweavers, sa tulong ng DTI, ay naging daan hindi lang para mabigyan ng disente at matatag na trabaho, negosyo at kabuhayan ang mga naninirahan sa Tubigon. Naging susi rin ito para mapagtapos ng mga ina ang kanilang mga anak sa kolehiyo at mabigyan ng magandang kinabukasan.
Unti-unti ring nakikilala ang Tubigon Loomweavers dahil ang kanilang mga likha na ginagawa ring bag, damit, mga dekorasyon sa bahay at iba pa ay tinatangkilik na rin sa ibang bansa tulad ng United States of America, Japan at mga bansa sa Europa.
Sa tinatamasang biyaya, ibinabahagi rin ngayon ng Tubigon Loomweavers ang kanilang kita sa Village of Hope, isang bahay ampunan sa Bohol, upang magbigay ayuda sa mga batang ulila at biktima ng karahasan.
“Lahat po ng tulong ng DTI ay binibigyang halaga ng Tubigon Loomweavers. Lahat ng tulong naging instrument namin kung anuman kami ngayon, kung anong tinatamasa namin,” wika ng isang kasapi ng Tubigon Loomweavers.
Ang pangarap ng karamihan sa Tubigon na magkaroon ng magandang buhay ay katulad ng paghahabi ng tela, hindi ito mabubuo kung walang malasakit at pagsisikap.
Comments are closed.