PHNOM PENH. – Sinindihan ni wushu star Agatha Wong ang four-gold haul ng Pilipinas nitong Biyernes sa paghahanda nito para sa final push sa kampanya para sa fourthplace finish sa 32nd Southeast Asian Games
dito.
Nagpakitang-gilas si Wong, na binabalanse ang kanyang pag-aaral at training, sa women’s combined taijiquan at taijijian events upang magwagi na may 19.263 points para sa kanyang ika-5 SEA Games gold medal.
“I didn’t expect to win because I’m also a med student. I’m in my first year of medicine,” sabi ni Wong, na bumalik sa pag-aaral makaraang magtapos na may Diplomatic Affairs degree mula sa College of St. Benilde noong 2018.
Kasunod nito ay namayagpag sina Aidaine Laxa, Joel Ninobla at Nicole Labayne sa women’s poomsae event, upang ibigay sa taekwondo ang unang gold nito rito.
Ibinigay ni Patrick King Perez ang ikalawang ginto para sa taekwondo nang dominahin ang men’s individual poomsae event, na nagbigay-buhay sa sisinghapsinghap na kampanya ng bansa.
Tinapos ng men’s 4x400m relay team ang kampanya ng bansa sa athletics sa kinakailangang panalo, sa oras na 3:07.22 upang maungusan ang Thai squad (3:07.23) para sa gold.
Nagbigay rin ang athletics ng dalawa pang silver medals sa pamamagitan ng women’s 4x400m relay at ni javelin thrower Gennah Astorga habang nag-ambag din ang wushu ng isang silver courtesy na kaloob ni Gideon Padua sa men’s sanda event.
Ang tila sure gold sa fencing, mula kay defending champion Samantha Catantan, ay naging silver nang ma-injure ang kanyang tuhod sa semifinals kontra Singaporean Kemei Chung.
Sa payo ng kanyang coach at medical personnel, sa huli ay isinuko ni Catantan ang gold sa isa pang Singaporean, Maxine Wong, ang parehong fencer na kanyang tinalo para sa titulo noong nakaraang taon sa Vietnam.
Kasama ang solitary gold medals mula kina Joseph Arcilla sa men’s singles event sa soft tennis at Eric Cray sa 400m hurdles sa huling dalawang araw, ang Pinoy contingent, suportado ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Olympic Committee, ay umangat ang gold medal tally sa 31 papasok sa huling apat na araw ng aksiyon.
Habang patuloy na nagkukumahog ang Pinoy athletes para sa gold medals, napanatili ng Vietnam ang kampanya nito na ma-retain ang overall championship na napanalunan sa Hanoi noong nakaraang taon, kasama ang Thailand at Cambodia sa three-way race.
Nasa ika-4 at ika-5 puwesto ang Indonesia at Singapore, kung saan kinakailangang maduplika ng Pilipinas ang fourthplace finish noong nakaraang taon sa Vietnam kung saan nagwagi ito ng 52 gold medals.