(Hagupit ng Bagyong Rolly sa Catanduanes at Albay) RETRIEVAL OPERATION NG AFP: 20 NASAWI, 13 SUGATAN

Gilbert Gapay

PUSPUSAN ang isinasagawang search, rescue, retrieval at  clearing operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga lugar na lubhang sinalanta ng Bagyong Rolly partikular sa Catanduanes at Albay kasunod ng ulat na posibleng may mga natabunan ng buhay sa may 300 kabahayan na lumubog sa lahar.

Sa huling ulat ng Office of Civil Defense Region 5, umabot na sa 20 katao ang naitalang nasawi, 14 mula sa Albay at  6 naman sa Catanduanes na siyang matinding hinagupit ng bagyong Rolly.

Ayon kay AFP Chief of staff Gen. Gilbert Gapay, nakatutok ang lahat ground commanders sa humanitarian, disaster and relief operations.

Naka posisyon din ngayon ang apat na pinakamalalaking barkong pandigma ng Philipine Navy para sa posibleng  sealift and command-and-control missions  sa malaking bahagi ng  Luzon, lalo na sa Bicol Region.

Ayon kay PN public affairs office chief Lt. Commander Maria Christina Roxas , naka-standby na ang mga barko ng Navy sa  dalawang Navy docking docks, ang  BRP Tarlac (LD-601) at  BRP Davao Del Sur (LD-602) at dalawang logistics support vessels, ang  BRP Bacolod City (LC-550) at BRP Dagupan City (LC-551).

Agad din na ipinag utos ni PN Flag Officer in Command Vice Adm. Giovanni Carlo Bacordo na magsagawa  ng da­mage assessment ang PN BN Islander aircraft sa mga coastal barangay ng  San Andres at  Virac City sa Catanduanes .

Gayundin, nilinaw ni Gapay na may puwersa ring naka-pokus para pangalagaan  ang peace and order lalo na sa mga lugar na may mga komunistang rebeldeng nag-ooperate.

Nagsagawa naman ng relief operations ang 51st Engineering Brigade ng Phil Army sa Baao,Camarines Sur kung saan namahagi itong ng food packs sa komunidad.

Nanguna rin sa road clearing operations ang mga tropa ng 31st Infantry Battalion sa Sorsogon.

Samantalang, ang Naval Intelligence and Security Group Southern Luzon at ang Philippine Navy Islander ay nagsagawa naman ng damage assessment mission sa Catanduanes area.

Ang Navy Islander NV312 sa pangunguna ng Pilot In Command, Lt. Cdr. Mark Licos, lumipad sa coastal areas ng San Andres at Virac City para i-assess ang pinsala sa lugar na dulot ng Bagyong Rolly. VERLIN RUIZ

Comments are closed.