PARALISADO ang buong Metro Manila at mga karatig lalawigan nang lumubog sa tubig baha dulot ng bagyong Ulysses na sinasabing mas matindi pa kaysa bagyong Ondoy.
Maraming lugar ang na-isolate dahil sa kawalan ng komunikasyon at halos 3.8 million consumers ng Meralco ang nawalan ng supply ng koryente bunsod ng magdamag na pananalasa ni Ulysses.
Sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense (OCD) sa Region 5 (Bicol), dalawa na ang kumpirmadong nasawi na kinilalang sina Avelino Cabanela, 68-anyos na nakitang patay sa ibabaw ng bubong ng kanyang bahay sa bayan ng Bagabas, Daet, Camarines Norte at isang 70-anyos na kinilalang si Salva Mangubat na nadulas sa kasagsagan ng paglikas mula sa bayan ng Talisay.
Pinangunahan ni Interior ang Local Government Secretary Eduardo Año ang ginawang pagpupulong ng ibat-ibang ahensiya ng gobyerno na nasa ilalim ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa panahon ng kalamidad upang magsagawa ng assessment sa ginagawang search and rescue operation, damage assessment sa Metro Manila partikular sa Marikina City at sa iba pang apektadong lalawigan.
Habang personal namang nagtungo ng Malakanyang si Defense Secretary Delfin Lorenzana upang magbigay ng inisyal assessment at ilatag ang ginagawang rescue operation ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marikina, Southern Luzon at Central Luzon.
Ayon kay Office of the Civil Defense Deputy chief ASec. Casiano Molina, umaga pa ay tinutukan na nila ang Marikina, Pasig at ang buong Central Luzon kasunod ng ulat na malawakang pagbaha bunsod ng magdamag na pagbuhos ng ulan at pagpapakawala ng tubig ng Angat, Ipo, La Mesa at Wawa Dams.
Nauna nang nagbabala ang PAGASA sa local government units na malalapit sa mga ilog at dam na maging alerto sa posibleng pagbaha bunsod na gagawing pagpapakawala ng tubig sa mga dam sa oras na abutin nito ang critical spilling level.
Ang mga residenteng naninirahan sa mga low-lying areas at malapit sa mga ilog ng Angat River mula Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel at Hagonoy ay pinayuhan na sa posibleng flooding o flash floods.
Agad na rin humingi ng ayuda ang NDRRMC sa AFP, PNP, Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protections (BFP) units para ma-augment at tumulong sa mga gagawing search and rescue operation. VERLIN RUIZ
NAVOTAS UMAYUDA SA MARIKINA
MAKARAANG masigurong ligtas na nakauwi sa kanilang mga bahay ang daan-daang pamilya ng Navotas City na inilikas mula sa coastals areas matapos ang pananalasa ng bagyong Ulysses, nagpadala naman si Mayor Toby Tiangco ng rescue teams sa Marikina City para tumulong sa paglilikas.
“Dahil nasiguro na natin na ang aming mga residente na naninirahan malapit sa mga baybayin na unang nailikas bago ang pananalasa ng bagyo ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan nang ligtas, napagpasyahan kong oras na upang matulungan naman ang iba, sa labas ng lungsod,” pahayag ni Tiangco.
Anang alkalde, sinikap ng pamahalaang lokal na makapagtayo ng maraming pumping stations na umabot na ngayon ng 54 na nakaposisyon sa buong lungsod dahilan upang mapigilan ang pagbaha.
Dagdag pa nito, bukod sa 54 pumping stations, meron din 3.6 kilometrong dike mula Bagumbayan North hanggang Tangos South na nag-poprotekta sa mga kabahayang nakaharap sa Manila Bay.
Samantala, sa katabing mga lungsod ng Caloocan, Malabon at Valenzuela ay maraming mga pamilya rin na apektado ng bagyo ang inilikas patungo sa mga itinalagang evacuation center. EVELYN GARCIA
BAHA AT LANDSLIDE SA QUEZON
DULOT ng bagyong Ulysses, nagkaroon ng landslide sa mga bayan ng Padre Burgos at Calauag at muli na namang binaha ang Maharlika Highway bahagi ng barangay Canda Ibaba,sa bayan ng Lopez,Quezon na nakaharang din ng bumagsak na mga puno at poste ng kuryente kung kaya hindi madaanan ng mga sasakyan ang mga nabanggit na lugar.
Bumagsak ang mga linya ng kuryente kasabay ng pagkawala ng komunikasyon sa mga bayan ng Unang Distrito ng Quezon na direktang tinamaan ng bagyo.
Ayon kay Quezon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Dr.Mel Avenilla,pasado alas-2 ng madaling araw nang nawalan ng supply ng koryente sa halos lahat ng mga bayan sa nasabing distrito.
Nabatid na umabot ng halos 16 na oras na binabayo ng hangin at ulan ang buong Southern Quezon kung kaya mabilis na tumaas ang tubig baha at gumuho ang mga lupa. BONG RIVERA
PADER NG PABRIKA BUMIGAY: 3 PATAY, 3 SUGATAN
TATLO katao ang namatay habang 3 naman ang nasugatan makaraang mabagsakan ng gumuhong pader ng pabrika ang ilang bahay sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses sa Purok 4, Brgy. Langkaan 1, Dasmarinas City, Cavite kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga namatay na sina Romeo Cabanillas, Annabel Cabanilas at Angelo Rome Cabanillas,2-anyos habang ang mga sugatan ay sina Rolly Dijal 23-anyos; Jomer Blesario, 27-anyos at Dennis Maquiling, 38-anyos.
Sa inisyal na ulat, lumilitaw na natutulog ang mga biktima sa kasagsagan ng nanalasa ang bagyong Ulysses nang biglang gumuho ang may 20 talampakang taas ng pader ng Polytechnic Manufacturing Incorporated.
Nabagsakan ang mga bahay ng biktima na mabilis naman na nirespondehan ng rescue team ng lokal na pamahalaan at makalipas ang 4-oras na retrieval operation. MHAR BASCO
BUNDOK MULING GUMUHO SA LAGUNA
MULING gumuho sa ikalawang pagkakataon ang maraming lupa na nagmula sa bundok sakop ng Bgy. Bancuro, Nagcarlan, Laguna bunsod ng walang tigil na pag-ulan sanhi ng bagyong Ulysses.
Agad naman nagsagawa ng clearing operation ang pamunuan ng Barangay, pulisya at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa lugar para madaanan na ito ng mga sasakyan patungo sa bayan ng Sta. Cruz, Liliw at Nagcarlan.
Kabi-kabilang pagbaha naman ang napaulat sa lungsod ng Calamba na naitala sa Bgy. Pansol at Bgy. Dos na kung saan karamihan sa mga residente ay umakyat sa bubong ng kanilang bahay.
Maraming bayan din sakop ng ika-apat na distrito ng Laguna ang lubog sa baha kung saan maraming residente ang agarang inilikas sa mga evacuation center.
Nagpalabas din ng abiso ang pamunuan ng National Power Corporation (NPC) Caliraya Dam sa bayan ng Cavinti sa pamunuan ng Municipal and Provincial Disaster Action Officers kaugnay ng isinagawang pagpapakawala ng tubig dahil sa umabot na sa 287.72 meters (AMSL) ang water reservoir level nito. DICK GARAY
Comments are closed.