HAKBANG

Ernesto Lolo

(ni Bernard Niño Tarun)

DTI LOGOMUSMOS  pa lang noon ang 42-anyos na si Ernesto Lolo o Mang Ernes ay tampulan na siya ng tukso dahil sa kanyang kapansanan, ang pagkakaroon ng polio.

Bunsod ng kahirapan, high school lang ang natapos sa pag-aaral ni Mang Ernes. Sa edad na 19, sumabak siya sa paglalako ng karne sa palengke sa Barangay San Rafael, Bulacan.

Bunso si Mang Ernes sa magkakapatid at siya na lang ang naiwang kasa-kasama ng mga magulang sa tahanan. Sa kagustuhang makatulong sa pamilya, hindi naging hadlang kay Mang Ernes ang kanyang kapansanan.  Mula sa pagiging meat vendor ay na-masukan siyang janitor sa isang ahensiya sa Lungsod ng Quezon mula 2005 hanggang 2007.

“Nagdadalawang isip ako noon na mamasukan. Iniisip ko kasi na hindi ako matatanggap dahil nga sa kapansanan ko pero nang subukan ko, nagustuhan nila ang trabaho ko,” ani Mang Ernes.

Kumikita noon ng Php 270 kada araw si Mang Ernes pero aminado siyang hindi ito sapat sa pang-araw araw nilang gastusin lalo na nang maaksidente at tulu­yang maratay sa malubhang karamdaman ang kanyang ina noong 2015.

Pero ang sakripisyo ni Mang Ernes ay tila unti-un­ting naibsan nang makakita siya ng oportunidad sa paggawa ng kalan.

“Nakita ko ‘yong kapitbahay namin na abalang gumagawa ng kalan de uling na yari sa semento. Naengganyo akong gumawa,” kuwento niya.

Nagkaroon ng interes si Mang Ernes na lumikha ng sarili niyang ‘kalan de uling’ na panggamit lang noon sa bahay.

Ang kanyang likha, napansin naman ng isang ale at binili ito sa halagang Php 150.

Ang pagbabakasakali ni Mang Ernes na may asenso sa paggawa ng kalan de ­uling ay mas lumagablab kaya nama’y gumawa pa siya ng maraming kalan. Hirap man sa bawat hakbang sa kanyang paglalakad, sinusuyod ni Mang Ernes ang buong San Rafael at karatig-bayan para maglako ng kalan.

Ang simpleng kalan, mas pinaganda pa niya at nilagyan ito ng rechargeable blower. Naging kakaiba ang kanyang likha at mas lalong naging mabenta sa merkado.

Taong 2017 nang mahikayat ng isang suki si Mang Ernes na magparehistro ng kanyang munting negosyo sa Department of Trade and Industry o DTI.

Dahil sa malasakit ng DTI na tulungan ang katulad ni Mang Ernes, pinaglaanan siya ng mga libreng seminar tungkol sa pagnenegosyo sa tulong ng Negosyo Center sa San Jose del Monte, Bulacan. Sa katunayan, isa siya sa mga nagsipagtapos sa Kapatid Mentor Me o KMME, isang programa ng DTI na ang layunin ay linangin ang kaalaman at kasanayan ng isang aspirante sa larangan ng pagnenegosyo.

Bukod dito, mas nakilala at tinangkilik ang kanyang mga likha nang kuhanan ito ng mga litrato at ipaskil sa social media.

Ang dating kakarampot na kinikita ni Mang Ernes noon, pumapalo na ngayon ng mahigit Php 20,000 sa isang buwan. Sa katunayan, regular supplier na siya ng ‘kalan de uling’ sa 15 tindahan sa kanilang bayan.

Ang dating janitor, ngayon ay presidente na ng samahan ng Persons With Disability (PWD) sa kanilang lugar at isa na ring matagumpay  na negosyante.

“Nagpapasalamat ako sa DTI, kung ‘di dahil sa kanila hindi makikilala ang kalan ko. Kung dati nasa bahay lang ang mga kalan ko, ngayon unti-unti nang nakikilala ito sa Luzon, Visayas at Mindanao. Sa mga katulad ko na PWD, huwag nating indahin kung anong mayroon tayo sa katawan, bagkus ito’y maging inspirasyon para sa hamon ng buhay,” panghihikayat ni Mang Ernes.

Ika nga nila, ang malayong paglalakbay ay nagsisimula sa unang hakbang. Para kay Mang Ernes, hindi naging hadlang ang pisikal na kaanyuan, sa halip, ang kanyang pagpupursigi ay gumawa ng sariling hakbang para matamasa ang tagumpay sa buhay.

Comments are closed.