MULING humina ang piso kung saan umabot ito sa pinakamababang antas sa nakalipas na 12 taon makaraang ianunsiyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang ikalawang pagbawas sa reserve requirement ratio (RRR) ng mga bangko sa loob ng tatlong buwan.
Bumagsak ang piso sa 52.63 per dollar, mas mahina ng 0.15 percent sa 52.55 noong Huwebes, na pinakamababang antas magmula noong Hulyo 2006.
“The peso will face stronger depreciation pressures in light of more money supply circulating in the domestic economy,” wika ni Angelo Taningco, isang economist sa Security Bank sa Manila.
Ang halaga ng piso kontra dolyar ay humina sa anim sa nakalipas na pitong sessions.
Ang 1 percentage point reduction sa required reserves ng mga bangko ay inaasahang magdaragdag ng may R100 billion ($1.90 billion) sa financial system makaraang magkabisa ito sa Hunyo 1.
Samantala, sinabi ng isang kongresista na kailangan nang gumawa ng hakbang ang mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte, mga opisyal ng central bank at Bankers Association of the Philippines para mapatatatag ang halaga ng piso kontra dolyar.
Ayon kay Iligan City Rep. Frederick Siao, kasapi ng House Committee on Appropriations, gayundin ng Economic Affairs at iba pang komite sa Kamara, na dapat magawan ng paraan na maging P50 lamang kada $1 ang exchange rate.
“My humble suggestion to the economic managers and the bankers is to find ways to bring back the peso-dollar rate to around P50.00 to US$1.00 over the next several months, and possibly with the range of P49.00:US$1.00 to P50.00:US$1.00 in 2019. Those levels will ease the financial pain Filipino families will endure because of high fuel prices and rising inflation,” anang kongresista.
Binigyan-diin ng Iligan City lawmaker na ang matibay na pansalag ng bansa sa tumataas na presyo ng langis sa world market ay ang pagkakaroon ng matatag na halaga ng piso.
Tiwala si Siao na maraming kaparaanan na kayang gawin ang BSP at local bankers para maiangat ang piso, kabilang ang forex market intervention at paghimok sa marami na mag-invest kasama na ang pagbili ng treasury bills. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.