HALOS 19-M MAG-AARAL NAG-ENROLL PARA SA SY 2021-2022

HALOS umaabot sa 19 milyong estudyante ang nakapagpatala sa mga paaralan para sa School Year 2021-2022 na nakatakda nang magsimula sa Lunes, Setyembre 13, 2021.

Base sa pinakahu­ling datos ng Department of Education (DepEd), nabatid na hanggang 2:00AM ng Setyembre 7, 2021, nasa kabuuang 18,901,373 mag-aaral ang nakapagpa-enroll sa eskuwela.

Ayon sa DepEd, ito ay 72.1 porsiyento ng kabuuang 26,227,022 enrollees na pumasok sa paaralan noong School Year 2020-2021.

Napag-alaman sa naturang kabuuang bilang, 13,398,597 ang nagpatala sa mga pampublikong paaralan, 925,961 sa private schools, at 19,488 naman sa state or local universities and colleges (SUCs/LUCs).

Lumabas ding 4,557,327 mag-aaral ang nagpatala sa early registration na idinaos ng DepEd noong mga buwan ng Abril at Mayo.

Habang nasa 154,670 estudyante naman ang nagpatala sa alternative learning system (ALS) ng DepEd, na 25.81 porsiyento ng 599,365 estudyante na nagpatala noong nakaraang taon.

Lumilitaw rin na ang Region 4A o Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) pa rin ang nangunguna sa mga rehiyon na may pinakamaraming bilang ng enrollees na umabot sa 2,736,301 habang pinakakaunti naman ang nagpatalang estudyante sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nakapagtala lamang ng 362,743.

Umabot naman sa mahigit isang milyon ang enrollees mula sa Region III (1,945,739); National Capital Region (1,869,853); Region VI (1,300,666); Region V (1,154,589); Region VII (1,149,543); Region X (1,015,939); at Region VIII (1,000,226).

Kasunod nito, mu­ling hinimok ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan ang mga magulang na ipa-enroll na ang kani­lang mga anak ngayon at huwag nang hintayin pa ang huling araw ng enrollment.

Ang enrollment period para sa School Year 2021-2022 ay sinimulan ng DepEd nitong Agos­to 16, 2021 at nakatakdang magtapos sa Lunes, Setyembre 13, 2021, na siya ring unang araw ng klase sa bansa.

Sinabi ni Malaluan na sa ngayon ay blended learning pa rin ang kanilang ipaiiral na sistema ng pag-aaral dahil sa COVID-19 pandemic.

Gayunman, sakaling9 pahintulutan na ang pagdaraos ng face-to-face classes sa ilang pi­ling lugar na may mababang kaso ng COVID-19 cases, ito ay lilimitahan lamang sa kindergarten hanggang Grade 3 students upang matiyak na magkakaroon ng physical distancing.

Samantala, nagtayo na rin muli ang DepEd ng Oplan Balik Eskwela (OBE) Public Assistance Command Center para magbigay-linaw sa lahat ng mga isyu at mga katanungan na may kinalaman sa pagsisimula muli ng mga klase ngayon taon.

Ang mga isyu na may kinalaman sa pasukan ay maaring iparating sa DepEd sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang hotlines, emails, text at social media.

Hindi pinapayagan ang ‘walk in’ bilang bahagi ng health protocols para na rin sa proteksiyon ng lahat. BENEDICT ABAYGAR, JR.

6 thoughts on “HALOS 19-M MAG-AARAL NAG-ENROLL PARA SA SY 2021-2022”

  1. 447281 875051I genuinely like your post. Its evident which you have a good deal understanding on this subject. Your points are effectively created and relatable. Thanks for writing engaging and intriguing material. 131825

Comments are closed.