KUMANA si James Harden ng 50-point triple-double at umatake sa decisive stretch sa fourth quarter upang bitbitin ang host Houston Rockets sa 126-111 panalo laban sa Los Angeles Lakers noong Huwebes.
Nagtala si Harden ng 50 points, 10 rebounds at 11 assists upang pigilan ang Lakers, na 6-1 sa kanilang mga naunang laro.
Tangan ng Houston ang 109-106 kalamangan matapos ang eksplosibong dunk ni Kyle Kuzma ng Lakers, may 4:16 ang nalalabi, naipasok ni Harden ang tatlong free throws bago bumanat ng magkasunod na 3-pointers upang mapalobo ang bentahe sa 12 points. Ginawa ni Harden ang scoring flurry sa loob lamang ng 54 segundo.
Umiskor si Kuzma ng 24 points at nagbigay ng limang assists upang suportahan ang isa na namang mainit na performance mula kay LeBron James, na nakalikom ng 29 points sa 12-of-18 shooting. Nakakuha ang Rockets ng double-double mula kay Clint Capela (16 points, 14 rebounds), habang nag-ambag si Danuel House, Jr. ng 15 points sa loob ng 29 minuto mula sa bench. Nag-dagdag si Chris Paul ng 14 points, 9 assists at 3 steals.
SUNS 99,
MAVERICKS 89
Tumirada si T.J. Warren ng game-high 30 points, at pinutol ng Phoenix ang 10-game losing skid sa pamamagitan ng panalo kontra bumibisitang Dallas.
Nakopo ng Phoenix ang ika-5 panalo sa season at una magmula nang gapiin ang Milwaukee Bucks noong Nob. 23 sa Dallas, na patuloy ang up-and-down, home-road act, at naputol ang three-game win streak, isang gabi makaraang mapalawig ang kanilang home win streak sa 11 games. Nabigo ang Mavs sa kanilang huling tatlong road games.
Sumalang si Dallas star Dirk Nowitzki sa kanyang season debut makaraang lumiban sa unang 26 games kasunod ng offseason ankle surgery. Nalimitahan siya sa anim na minuto mula sa bench, at tumipa lamang ng dalawang puntos. Nanguna si Harrison Barnes para sa Mavericks na may 15 points.
SPURS 125,
CLIPPERS 87
Nagbuhos si LaMarcus Aldridge ng 27 points sa 12-of-14 shooting sa loob lamang ng tatlong quarters nang pulbusin ng San Antonio ang bumibisitang Los Angeles para sa ikaapat na sunod na panalo.
Nagdagdag si Rudy Gay ng 21 points para sa Spurs sa 8-of-10 shooting. Nagdagdag sina DeMar DeRozan at Marco Belinelli ng tig-14.
Nanguna si Tobias Harris para sa Clippers na may 17 points, 15 rito ay kanyang naitala sa first half. Umiskor sina Danilo Gal-linari at Avery Bradley ng tig- 15 points para sa Los Angeles, na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan at ika-4 sa huling li-mang laro.
MAGIC 97,
BULLS 91
Naipasok ni Nikola Vucevic ang isang tiebreaking jumper, may 28.8 segundo ang nalalabi, upang tulungan ang Orlando na mamayani laban sa Chicago sa Mexico City.
Pinangunahan ni Vucevic ang lahat ng scorers na may 26 points, at humugot ng 10 rebounds. Nagdagdag si D.J. Augustin ng 15 points at 7 rebounds, at pinutol ng Magic ang three-game losing streak.
Tumipa si Zach LaVine ng 23 points at gumawa si Justin Holiday ng 18 para sa Chicago, na natalo ng 14 sa kanilang nakalipas na 16 laro.
Comments are closed.