ISINALPAK ni Tobias Harris ang isang 12-foot jumper, may 2.4 segundo ang nalalabi, upang bitbitin ang host Philadelphia 76ers sa 107-106 panalo kontra Los Angeles Lakers kahapon. Nanguna si Joel Embiid para sa Sixers na may 28 points, nagdagdag si Harris ng 24 at naitala ni Ben Simmons ang kanyang ika-31 career triple-double na may 17 points, 11 rebounds at 10 assists. Tumipa si Danny Green ng 14 points para sa Sixers na umangat sa 10-1 sa home.
Nagbida si LeBron James para sa Lakers na may 34 points, habang nag-ambag sina Anthony Davis ng 23 points at 8 rebounds, Dennis Schroder ng 16, at Alex Caruso ng 10 mula sa bench.
Natalo ang Lakers sa road sa unang pagkakataon ngayong season makaraang manalo sa kanilang opening 10 games.
NETS 132,
HAWKS 128 OT
Magkakatuwang na binalikat nina Kevin Durant , James Harden at Kyrie Irving ang panalo ng Brooklyn Nets kontra Atlanta Hawks, 132-128, sa overtime.
Tumipa si Durant ng 32 puntos, nagbuhos si Harden ng 31 puntos at kumamada si Irving ng 26 puntos na may kasama pang 15 assists. Ang dunk ni Durant sa ekstrang limang minuto ang nagpatibay sa kalamangan ng koponan sa 127-121, na sinundan ng dalawang free throws ni Harden sa huling 4.6 segundo ng laro.
Hindi naman sapat ang 28 puntos na inilagay ni Trae Young para sa Atlanta, maging ang season-high na naitala ni John Collins.
NUGGETS 109,
HEAT 82
Kumamada si Nikola Jokic ng 21 points at 11 revbounds upang tulungan ang Denver Nuggets sa 109-82 panalo kontra Miami Heat.
Nakuha ng Nuggets ang kanilang ika-5 sunod na panalo kung saan nag-ambag din sina Michael Prter Jr. ng 17 points, JaMychal Green ng 15 points at Jamat Murray ng 14 points.
BUCKS 115,
RAPTORS 108
Tumirada si Giannis Antetkounmpo ng 24 points at 18 rebounds upang igiya ang Milwaukee Bucks sa 115-108 panalo kontra Toronto Raptors.
Naging isang interesanteng laro para sa Bucks ang limang puntos na iniambag ni Donte DiVincenzo matapos nitong maagaw ang bola at bigyan ng flagrant foul si Kyle Lowry. Naitala ng Bucks ang 11-6 record laban sa 7-11 ng Raptors.
Nakalikom ng 26 puntos si Norman Powell para sa Raptors habang ang kanilang leading scorer na si Fred VanVleet ay tumipa lamang ng 10 points.
SPURS 110,
CELTICS 106
Nagposte si DeMar DeRozan ng 21 puntos at nagdagdag si Keldon Johnson ng 18 points at 10 rebounds nang gapiin ng San Antonio Spurs ang Boston Celtics, 110-106. Sumandal din ang Spurs kina La Marcus Aldridge na may 20 points at Dejounte Murray na may 11 points at 11 rebounds.
Gumawa naman si Jayson Tatum ng 25 points para sa Celtics, ngunit hindi naging sapat kahit pa nga may ambag din na 24 points si Jaylen Brown para maagaw ang panalo.
JAZZ 116,
MAVERICKS 104
Sa kabila ng pagkawala ng star player na si Donovan Mitchell ay nakuha pa ring manalo ng Utah Jazz kontra Dallas Mavericks, 116-104. Ito ang ika-10 sunod na panalo ng Jazz upang kunin ang liderato sa kabuuan ng liga. Nagtala si Rudy Gobert ng 29 points at 20 rebounds habang nag-ambag sina Fil-American Jordan Clarkson ng season-high 31 points at Joe Ingles ng 21 points. Kumabig si Luka Doncic ng 30 points para sa Mavericks, habang nagposte si Tim hardaway Jr. ng 19 points.
Comments are closed.