HANOI — Tulad ng inaasahan ay dinomina ni Carlos Yulo ang vault finals at nagdagdag ng surprise gold medal sa horizontal bars upang pangunahan ang paghakot ng 10 ginto ng Pilipinas nitong Lunes, sa pagtatapos ng kanyang kampanya sa 31st Southeast Asian Games dito.
Makaraang pabilibin ang crowd sa Quan Ngua Sports Palace sa runaway victory sa vault kung saan umiskor siya ng 14.700 points, si Yulo, 22, ay nagbalik pagkalipas ng ilang oras at kalaunan ay tumabla sa first sa horizontal bars kay Din Phuong Thanh ng Vietnam, na kapwa may iskor na 13.867 points.
Ang horizonal gold ay ika-5 gold medal ni Yulo, ang reigning vault world champion, matapos ang kanyang mga panalo sa men’s all-around, floor exercise, at rings, bukod pa sa silver medal finishes sa men’s team event at parallel bars.
Napantayan niya ang five-gold haul na naitala ni forgotten sports hero, Rolando Albuera, na natamo ang tagumpay sa Jakarta 1979 SEA Games kung saan nakakolekta ang Pilipinas ng kabuuang 24 gold medals at tumapos sa fourth overall.
Sa kabuuan, ang artistic gymnastics ay nag-ambag ng 7 gold medals, 4 silvers at isang bronze sa kampanya ng Pilipinas dito, ang pinakamatikas na pagtatapos ng Pinoy gymnasts sa kasaysayan.
Ang dalawang iba pang gold medals ay nagmula kay Fil-Am Aleah Finnegan sa women’s team at vault at nagdagdag ng isang silver medal sa balance beam, makaraang yumuko kay Malaysia’s Rachel Yeoh Li Wen (12.567-12.467).
Bukod sa last day golden double ni Yulo, nagpalakas din sa kampanya ng bansa ang dancesport pair nina Jean Mischa Aranar at Ana Nualla, na nakumpleto ang golden treble sa tango, Viennese waltz, at all final dance standard sa Long Bien Gymnasium.
Ibinigay nina Mark Jayson Gayon at Mary Joy Renigen ang ika-4 na ginto para sa araw nang madominahan ang slow foxtrot.
Nangibabaw si bowler Merwin Tan sa men’s singles at tinapos ang 11-year golden drought ng keglers; napanatili ni 110-meter hurdler Clinton Kingston Bautista ang kanyang korona, habang nakopo ni Jocel Lyn Ninoble ang gold sa women’s poomsae ng taekwondo.
Sinamahan din ni swimmer Chloe Isleta ang mga gold medalist nang magwagi sa women’s 200-m backstroke.
Selyado na ng Vietnam ang overall title na napanalunan ng Pilipinas noong 2019 ngunit nanatili ang Pinoy athletes, na ang kampanya rito ay suportado ng Philippine Sports Commission, sa kontensiyon para sa second overall na may total harvest na 30-34-43 laban sa 34-35-50 ng Thailand. Ang host team ay nakakolekta ng 83-50-55 harvest.
“If it’s up to me I wanted to win all the medals in all the events,” wika ni Yulo.
Sa iba pang laro, naitakas ng Gilas Pilipinas ang kapana-panabik na 76-73 panalo kontra perennial rival Thailand sa pagsisimula ng regular men’s basketball sa Thanh Tri Gymnasium.
Magaan namang dinispatsa ng Gilas ang Indonesia, 93-77.
Umabante si billiards great Efren ‘Bata’ Reyes sa semifinals ng men’s one-cushion carom singles, makaraang talunin si Suriya Suwannasingh ng Thailand, 65-58.