HAWKS KINATAY NG BLAZERS

NAGBUHOS si Anfernee Simons ng career-high 43 points at napantayan ang kanyang career best na siyam na 3-pointers upang tulungan ang Portland Trail Blazers na maiposte ang 136-131 panalo laban sa bisitang Atlanta Hawks, Lunes ng gabi.

Humataw si Atlanta star Trae Young ng career-best 56 points at nagbigay rin ng 14 assists subalit hindi ito sapat para maisalba ang Hawks sa paglasap ng ika-10 pagkatalo sa 14 games.

Umiskor si Norman Powell ng 26 points at nagdagdag si Nassir Little ng 22 para sa Portland na pinutol ang four-game slide at nanalo sa ika-4 na pagkakataon pa lamang sa nakalipas na 18 games.

Kumabig si Jusuf Nurkic ng 21 points at 12 rebounds para sa Trail Blazers makaraang lumiban sa tatlong laro dahil sa COVID-19 protocol.

Kumubra si Clint Capela ng 22 points sa 10-of-10 shooting at nagdagdag ng  11 rebounds para sa Hawks. Nagtala si Kevin Huerter ng 18 points at naglaro ng 37 minutes sa kanyang pagbabalik mula sa anim na larong pagliban sanhi ng COVID-19 protocol.

WARRIORS 115, HEAT 108

Kumana sina Jordan Poole at Gary Payton II ng pinagsamang 46 points at umiskor ng key baskets sa huling sandali habang nalusutan ng Golden State ang malamig na gabi ni Stephen Curry upang dispatsahin ang bisitang Miami sa San Francisco.

Bumuslo lamang si Curry ng 1-for-10 ss 3-pointers at 3-for-17 overall sa season-worst, nine-point performance, subalit limang  teammates, sa pangunguna ni Poole na may 32 points mula sa bench, ang nagtala ng double figures upang matiyak ang ikalawang sunod na panalo ng Golden State.

Nanguna si Jimmy Butler para sa Heat na may 22 points bagaman na-sprain ang kanyang right ankle sa third quarter.

JAZZ 115, PELICANS 104

Naitala ni Donovan Mitchell ang 15 sa kanyang 29 points sa fourth quarter nang gapiin ng bisitang Utah ang New Orleans.

Nagdagdag si Mike Conley ng 22 points, kumubra si Bojan Bogdanovic ng 21, tumabo siJordan Clarkson ng 14 at nakalikom si Rudy Gobert ng 10 points at 17 rebounds para sa Jazz.

Nagbalik si Jonas Valanciunas mula sa one-game absence dahil sa health and safety protocol ng liga upang pangunahan ang Pelicans na may 25 points. Nag-ambag si Josh Hart ng 15, kumamada si Nickeil Alexander-Walker ng 13, at tumirada sina Devonte’ Graham at Herbert Jones ng tig-11 points.

Sa iba pang laro, dinispatsa ng Timberwolves ang Clippers, 122-104; ginapi ng Mavericks ang Nuggets, 103-89; sinuwag ng Bulls ang Magic, 102- 98; namayani ang Grizzlies sa Nets, 118-104; pinataob ng Pistons ang Bucks, 115-106; naungusan ng Wizards ang Hornets, 124-121; at pinabagsak ng 76ers ang Rockets, 133-113.