NAGPASABOG si Nikola Jokic ng 48 points at dinurog ng Denver Nuggets ang Atlanta Hawks, 141-111, sa road noong Linggo.
Nagdagdag si reigning NBA Most Valuable Player Jokic — na umiskor ng career-high 56 points sa pagkatalo sa Washington noong Sabado — ng 14 rebounds, 8 assists, at 3 steals.
Kumabig si Michael Porter Jr. ng 26 points para sa Denver habang tumapos si Christian Braun na may 17 at nag-ambag si Julian Strawther ng 13 sa wire-to-wire blowout kontra Atlanta na sumalang sa laro na may six-game winning streak.
Todo papuri si Denver coach Michael Malone sa performance ni Jokic, inilarawan ang oportunidad na maging coach ng Serbian superstar bilang isang pribilehiyo.
“I can’t say I’m surprised because I’ve been spoiled by having the best seat in the house to watch this guy for 10 years, to watch him do it night-in, night-out,” ani Malone.
“As much as we put on his shoulders, he never runs from it, never complains. I love his mental toughness and physical toughness.
“I feel privileged to have the chance to coach him. I never take it for granted.”
Sa iba pang laro, kumamada si Tyler Herro ng 34 points upang pangunahan ang Miami Heat sa 122-113 panalo kontra Cleveland Cavaliers, na nalasap ang ika-4 na kabiguan pa lamang sa season.
Isinalpak ni Herro ang limang three-pointers at perfect nine-from-nine mula sa free throw line upang pagbidahan ang ikatlong sunod na panalo ng Miami.
Si Herro ay sinuportahan ng 23 points mula kay Duncan Robinson habang nagdagdag si Jimmy Butler ng 18.
Tumabo si Bam Adebayo ng 16 points, 13 rebounds at 6 assists para sa Miami na umangat sa 12-10 sa season.
Samantala, humabol ang Golden State Warriors mula sa 12-point deficit upang gapiin ang Minnesota Timberwolves, 114-106.
Nagbuhos si Stephen Curry ng 30 points at 8 assists sa panalo.
Ang performance ni Cury ay kinabilangan ng isang magical three-point buzzer-beater mula sa malapit sa halfway sa pagtatapos ng third quarter na nagbigay sa Warriors ng 93-90 bentahe.
Sa Los Angeles, binalewala ng Lakers ang pagliban ni LeBron James upang pataubin ang Portland Trail Blazers, 107-98.
Nanguna si Anthony Davis para sa Lakers na may 30 points, habang nagdagdag sina D’Angelo Russell ng 28 at Rui Hachimura ng 23.
Sa Chicago, humataw si Philadelphia’s Joel Embiid ng 31 points at kumalawit ng 12 rebounds sa kanyang pagbabalik mula sa pitong larong pagliban upang pangunahan ang 76ers sa 108-100 panalo kontra Bulls.
Si Embiid ay na-sideline dahil sa left knee injury at personal reasons magmula noong November 20 nang matalo ito sa Memphis.