HEAT 3-0 NA; LAKERS, BUCKS ABANTE SA 2-1; THUNDER NAKAISA

BUMANAT si Bam Adebayo ng isang hoop, dalawang offensive rebounds at tatlong free throws sa huling sandali nang hawiin ng Miami Heat ang paghahabol ng Indiana Pacers upang kunin ang 3-0 lead sa kanilang  Eastern Conference first-round playoff series sa pamamagitan ng 124-115 panalo sa NBA ‘bubble’ sa Orlando.

Tatangkain ng Miami na walisin ang best-of-seven series sa Lunes (Martes sa Manila) para umabante sa Eastern semifinals laban sa top-seeded Milwaukee o No. 8 Orlando.

Tumapos si Jimmy Butler na may team-high 27 points, kabilang ang 17-for-20 mula sa  free throw line, para sa Heat, na na-outscore ang Pacers, 43-21, mula sa stripe.

Nag-ambag si Goran Dragic ng 24 points at team-high six assists, at nagtala si Adebayo ng double-double  22 points at 11 rebounds para sa Miami. Gumawa si Tyler Herro ng  20 points, umiskor si Duncan Robinson ng 15 at tumipa si Jae Crowder ng 11 para sa Heat.

Nagposte si Malcolm Brogdon ng postseason career-highs na 34 points at  14 assists — kapwa game-highs — para sa Pacers, na na-outshoot ang Heat, 48.8 percent sa 45.3. Tumapos si T.J. Warren na may 23 points at nag-ambag si Victor Oladipo ng 20 para sa Indiana.

LAKERS 116,

BLAZERS 108

Muling kuminang si LeBron James at nalusutan ni Anthony Davis ang masamang simula upang ihatid ang Los Angeles Lakers sa panalo laban sa Portland Trail Blazers sa Game 3 ng kanilang Western Conference first round playoff series.

Pinangunahan ni James ang scoring sa first half at tumapos na may 38 points, 12 rebounds, at 8 assists, habang nalagpasan ni  Davis ang malamig na shooting sa unang dalawang quarters upang kumamada ng 29 points, 11 rebounds, 8 assists, 3 blocks, at 2 steals.

Tangan ngayon ng Lakers ang 2-1 bentahe sa best-of-7 series matapos ang  back-to-back wins.

THUNDER 119,

ROCKETS 107

Nadominahan ng Oklahoma City Thunder ang overtime upang iposte ang kanilang unang panalo sa season laban sa Houston Rockets sa Game 3 ng kanilang  Western Conference series.

Nahaharap ang Thunder sa 0-2 deficit sa best-of-seven series bago ang Game 3, at maaaring mabaon sa  0-3 makaraang bigyan ni James Harden ang Rockets ng 103-101 lead, may 24 segundo ang nalalabi.

Subalit namataan ni Chris Paul si Shai Gilgeous-Alexander na libre sa corner para sa isang three-pointer na nagbigay sa OKC ng 104-103 kalamangan sa huling  14 segundo ng laro.

BUCKS 121,

MAGIC 107

Umiskor si Giannis Antetokounmpo ng  35 points at kumalawit ng 11 rebounds upang pagbidahan ang Milwaukee Bucks sa panalo kontra Orlando Magic.

Tangan ngayon ng Eastern Conference top seed ang 2-1 lead matapos ang dalawang sunod na panalo at bumawi sa Game 1 loss sa kanilang best-of-7 first-round series.

Nagdagdag si Khris Middleton ng  17 points, at tumipa si Brook Lopez ng 16 para sa  Bucks, na ang convincing win ay sinindihan ng pag-outscore sa  Magic, 39-20, sa second quarter.

Comments are closed.