KUMANA si Jimmy Butler, nagbalik mula sa injury absence, ng 28 points upang pangunahan ang host Miami Heat sa 105-86 panalo kontra New York Knicks sa Game 3 ng kanilang Eastern Conference semifinal series.
Abante ang Miami sa series, 2-1. Ang Heat ay magiging host sa Game 4 sa Lunes ng gabi.
Lumabas si Knicks sixth man Immanuel Quickley, may 6:15 ang nalalabi sa fourth quarter dahil sa left knee injury.
Pumangit ang laro, may 14.7 segundo ang nalalabi sa third quarter nang magkatulakan ang dalawang koponan sa ilalim ng basket ng Knicks. Tatlong technical fouls ang itinawag kina Cody Zeller ng Miami sa panunulak kay Julius Randle; New York’s Isaiah Hartenstein sa panunulak kay Zeller; at Caleb Martin ng Miami sa panunulak kay Hartenstein.
Sa kaagahan ng laro, labis ang pagkadismaya ng Knicks nang dalawa sa kanilang players — RJ Barrett at Josh Hart — ang tinawagan ng technical fouls.
Nagbalik si Butler, hindi naglaro sa Game 2 na napagwagian ng New York, mula sa right ankle injury matapos ang limang araw na pahinga.
Naipasok niya ang 9 sa 21 shots mula sa floor at nagtala ng 10-for-11 mula sa free-throw line.
Nakakuha siya ng suporta mula kina Bam Adebayo (17 points, 12 rebounds), Max Strus (19 points) at Kyle Lowry (14 points).
Ang New York ay pinangunahan ni Jalen Brunson, na kumubra ng 20 points at gamehigh eight assists. Nagtala sina Hart (15 points, 12 rebounds) at Randle (10 points, 14 rebounds) ng double-doubles para sa Knicks, bagaman bumuso lamang si Randle ng 4-for-15 overall.
Hindi kailanman naghabol ang Miami sa first quarter, lumamang ng hanggang 13 at nagkasya sa 29-21 bentahe sa pagtatapos ng period. Para sa laro, ang Miami ay bumuslo ng 38.9 percent mula sa floor, kabilang ang 7-for-32 sa 3-point tries (21.9 percent). Bumuslo lamang ang New York ng 34.1 percent overall at 8-for40 mula sa three-point area (20 percent).
LAKERS 127,
WARRIORS 97
Umiskor si Anthony Davis ng 25 points na may 13 rebounds habang nagdagdag si LeBron James ng 21 points at bumawi ang Los Angeles Lakers para sa 127-97 blowout kontra bisitang Golden State Warriors sa Game 3 ng Western Conference semifinals.
Kinuha ng Lakers ang 2-1 kalamangan sa series.
Kumabig din si D’Angelo Russell ng 21 points para sa Lakers na nagbalik sa home at bumawi matapos ang 127-100 pagkatalo sa Game 2.
Umiskor si Stephen Curry ng 23 points at nagdagdag si Andrew Wiggins ng 16 points at 9 rebounds para sa defending champion Warriors, na naharap din sa 2-1 deficit sa kanilang first-round series laban sa Sacramento Kings bago nakausad sa pitong laro.
Tumipa si Klay Thompson ng 15 points para sa Warriors, na bumuslo ng 39.6 percent mula sa field at gumawa ng 19 turnovers. Ang Golden State ay 29.5 percent mula sa 3-point range makaraang magtala ng 50.0 percent mula sa malayo sa Game 2.