NAGBUHOS si Tyler Herro ng 29 points at nagdagdag si Jimmy Butler ng 27 upang tulungan ang host Miami Heat na maitakas ang 118-115 panalo kontra Utah Jazz, Sabado ng gabi.
Umiskor si Kyle Lowry ng 20 bilang bahagi ng triple-double para sa Heat.
Sa duelo ng mga koponan na may pinagsamang tatlong talo lamang papasok sa laro, ang Heat ay sumandig sa 60.3 percent shooting overall at 52.4 percent accuracy sa 3-pointers upang makopo ang ika-6 na panalo sa huling pitong laro.
Pinangunahan ni Donovan Mitchell ang lahat ng scorers na may 37 points para sa Jazz, na naputol ang three-game winning streak.
Mavericks 107, Celtics 104
Isinalpak ni Luka Doncic ang game-winning 3-pointer habang paubos ang oras at kumana ng game-high 33 points upang tulungan ang Dallas na gapiin ang bisitang Boston.
Nag-dribble si Doncic sa kahabaan ng court bago nagpakawala ng fadeaway trey mula sa wing sa triple coverage upang maitakas ang panalo.
Nagdagdag si Kristaps Porzingis ng 21 points at 7 rebounds sa kanyang pagbabalik mula sa limang larong pagliban dahil sa lower back tightness.
Nagtala si Jayson Tatum ng 32 points at 11 rebounds upang pagbidahan ang Celtics.
SUNS 121,
HAWKS 117
Tumirada si Devin Booker ng 38 points, at ang 35-19 fourth quarter ang naging sandigan ng Phoenix sa come-from-behind victory laban sa bisitang Atlanta.
Na-outscore ang Suns sa 40-27 sa third quarter at naghabol ng hanggang 12 points sa fourth quarter, subalit isang game-ending 15-4 run ang kumumpleto sa Phoenix rally.
Bumuslo si John Collins ng Hawks ng 9-of-12 mula sa floor, kabilang ang 3-of-4 mula sa arc. Nagposte siya ng double-double na 26 points at 10 rebounds.
TRAIL BLAZERS 105,
LAKERS 90
Bumawi si Damian Lillard mula sa isa sa pinakamasamang performance sa kanyang NBA career nang umiskor ng 25 points upang pangunahan ang Portland laban sa bisitang Los Angeles.
Muling naglaro ang Lakers na wala si four-time MVP LeBron James, na lumiban sa ikalawang sunod na laro dahil sa abdominal strain. Naging starter si Anthony Davis laban sa Portland, ngunit ang eight-time All-Star center ay naglaro ng pitong minuto lamang bago inilabas dahil sa stomach illness.
Sinabi ng koponan na wala itong kinalaman sa COVID-19. Walang starter ang Lakers na umiskor ng double figures.
NUGGETS 95,
ROCKETS 94
Nakalikom si Nikola Jokic ng 28 points at 14 rebounds, at bumanat si Aaron Gordon ng back-to-back 3-pointers sa huling dalawang minuto nang matakasan ng Denver ang bisitang Houston.
Tumipa si Daniel Theis ng 18 points at isinalpak ang isang 3-pointer, may 2:46 ang nalalabi upang bigyan ang Rockets ng 94-89 kalamangan. Sumagot si Gordon ng anim na sunod na puntos bago sinelyuhan ni Jokic ang panalo sa block sa layup ni Jae’Sean Tate sa buzzer.
Nagsalansan si Will Barton ng 15 points, 7 rebounds at 6 assists para sa Denver, na nakopo ang ikalawang sunod na panalo sa kabila ng pagbuslo ng 9 of 40 (22.5 percent) mula sa 3-point range.
76ERS 114,
BULLS 105
Tumabo si Joel Embiid ng 30 points at 15 rebounds upang pangunahan ang Philadelphia laban sa host Chicago.
Napantayan ni Furkan Korkmaz ang kanyang career high na may pitong 3-pointers at nagdagdag ng 25 points habang gumawa si Shake Milton ng 13 para sa short-handed Sixers, na nakamit ang ika-6 na sunod na panalo at binigyan si head coach Doc Rivers ng 1,000th career victory.
Nanguna si Zach LaVine para sa Bulls na may 32 points at kumalawit ng 9 rebounds, habang nag-ambag sina DeMar DeRozan ng 25 points, Derrick Jones Jr. ng 12 points at Nikola Vucevic ng 11 points at 11 rebounds.