NAIPASOK ni Jae Crowder ang tatlong 3-pointers sa 16-0, second-quarter flurry na naging tuntungan ng Miami Heat sa pagtarak ng malaking kalamangan tungo sa 113-101 panalo laban sa Golden State Warriors sa San Francisco.
Nagbalik si Jimmy Butler mula sa two-game absence upang tumipa ng 21 points, at napantayan si Crowder para sa team-high scoring honors, nang magwagi ang Heat sa unang pagkakataon sa apat na asignatura sa kanilang six-game road trip.
Nag-ambag si three-time NBA champion Andre Iguodala ng dalawang puntos at plus-25 rating sa loob ng 17 minuto para sa Heat.
Kumana si Damion Lee ng career-high 26 points para sa Warriors, na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan.
LAKERS 125, SUNS 100
Tumapos si Anthony Davis na may 25 points at 10 rebounds at umiskor si Rajon Rondo ng season-high 23 upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa pagbasura sa bisitang Phoenix Suns, na naglaro na wala si center Deandre Ayton noong Lunes ng gabi.
Nagbuhos si LeBron James ng 17 points, 9 assists at 8 rebounds, ngunit gumawa rin siya ng game-high eight turnovers. Kumabig si Kentavious Caldwell-Pope ng 13 points at nagdagdag si Avery Bradley ng 12 para sa Lakers, na nanalo ng apat sa kanilang huling limang laro. Nag-ambag si Dwight Howard ng 14 points at 15 boards.
Gumawa si Mikal Bridges ng 18 points at 6 rebounds para sa Suns, na nalasap ang ika-6 pagkatalo sa pitong laro. Nagtala si Cheick Diallo ng 15 points, habang nagdagdag sina Ricky Rubio at Jevon Carter ng tig-13.
NUGGETS 127, SPURS 120
Tumabo si Jamal Murray ng 26 points, nagdagdag si Paul Millsap ng 22 points, at binura ng host Denver Nuggets ang 23-point, third-quarter deficit upang igupo ang San Antonio Spurs.
Nagsalansan si Nikola Jokic ng 19 points, 13 assists at 8 rebounds, at nag-ambag sina Monte Morris ng 16 points mula sa bench, at Torrey Craig ng 11 points at 7 rebounds upang tulungan ang Nuggets na makopo ang ikatlong sunod na panalo at ika-8 sa 10 games.
Nanguna si LaMarcus Aldridge sa lahat ng scorers na may 33 points, at umiskor sina Derrick White ng 15, Dejounte Murray at Bryn Forbes ng tig-14, at Rudy Gay ng 13 para sa struggling Spurs na natalo ng limang sunod.
JAZZ 123,
MAVERICKS 119
Tumirada si Jordan Clarkson ng 25 points at nagbigay ng walong assists mula sa bench upang pangunahan ang Utah Jazz sa panalo kontra host Dallas Mavericks.
Nagdagdag sina Donovan Mitchell at Bojan Bogdanovic ng tig-23 points para sa Jazz. Nakalikom naman si Rudy Gobert ng 17 points at 16 rebounds.
Nagbuhos si Tim Hardaway Jr. ng season-high 33 points at nag-ambag si Kristaps Porzingis ng 28 para sa Mavericks, na naglaro na wala si Luka Doncic sa ika-7 sunod na laro.
Sa iba pang laro ay pinadapa ng Milwaukee Bucks ang Sacramento Kings, 123-111; pinadapa ng Toronto Raptors ang Minnesota Timberwolves, 137-126; at naungusan ng Brooklyn Nets ang Indiana Pacers, 106-105.
Comments are closed.