MALABON – SUGATAN ang isang helper matapos gulpihin at saksakin ng basag na bote ng tatlong magkakamag-anak na kabilang sa nagrarambulan sa harap ng kanyang bahay kamakalawa ng hapon.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong bugbog at saksak sa tiyan si Rhoell Custodio, 26, ng Padua Compound, Custodio St., Brgy. Santulan.
Kinilala naman ni Malabon Police Sr. Insp. Carlos Cosme Jr. ang mga naarestong suspek na sina alyas Marcs,18, kanyang ina na si Rowena, nasa hustong gulang at alyas Elcit, pawang residente ng Mangino Gapan, Nueva Ecija.
Sa imbestigasyon nina PO3 Roldan Angeles at PO2 Joenel Claro, dakong alas-5:30 ng hapon, naglalakad ang biktima sa Padua Compound nang mapansin nito ang maraming tao kabilang ang mga suspek na nagbabatuhan ng bote ng alak habang ang iba ay nagsusuntukan.
Tinangkang umawat ng biktima subalit bigla na lamang itong hinablot at hinawakan ni Rowena bago binugbog ni alyas Elcit at sinaksak sa tiyan ng basag na bote ni Marcs.
Nadakip ang mga suspek ng mga rumespondeng sina PO2 Henry Anday at PO1 Dexter Tolentino habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan. EVELYN GARCIA
Comments are closed.