DAHIL kulang ang kanyang pamasahe pabalik sa kanyang pinapasukang trabaho sa Cebu, naging blessing naman ito sa isang helper dahil nakapasok siya sa isang scholarship program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at nagtapos ng kursong Automotive Servicing NC ll na nagpabago sa kanyang buhay.
Mula sa isang mahirap na magsasaka ang pamilya ni Celso O. Pobadora at kinagisnan nito ang mga trabaho sa bukirin na hindi nila pag-aari.
Sa murang edad, tumutulong na si Celso sa kanyang mga magulang sa pagsasaka upang makatulong sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya.
High school lamang ang kanyang tinapos sa pag-aaral dahil walang kakayahan ang kanyang mga magulang upang magpatuloy silang magkakapatid sa pag-aaral dahil sa kahirapan.
Namasukan ito bilang katulong sa isang rice mill sa kanilang lugar na ang kanyang gawain ay pagbubuhat at pagbibilad ng sako-sakong palay. Gayunpaman, naaksidente siya nang makuryente at nasabugan ng electric transformer dahilan nang muntikan nitong ikasawi at pagputok ng kanyang tagiliran.
Halos isang taon din siyang naging baldado, na inalagaan ng kanyang ina, kaya lalo siyang nawalan nang pagkakataon na maipagpatuloy pa ang kanyang pag-aaral.
Nang gumaling siya, naghanap uli ito ng trabaho.
Nakipagsapalaran sa iba’t ibang probinsiya, namasukan siya sa isang poultry farm bilang helper hanggang makapasok siya bilang katulong sa isang motorcycle spare parts store sa Cebu.
Dito na nagsimula ang kanyang hilig sa pagkukumpuni ng mga motorsiklo at makina at nagkaroon siya ng ideya sa nasabing uri ng industriya.
Nang magbakasyon si Celso sa kanyang pamilya sa Sibugay, Cebu, hindi na siya nakabalik dahil kinapos sa pamasahe.
Sa kabila nito, hindi naman tumigil sa pagdiskarte si Celso upang kumita para sa kanyang pamilya kung saan isa sa naging trabaho niya ay ang pangunguha ng tuba at ibinebenta sa kanilang lugar.
Minsan, napadaan ito sa isang pagtitipon na inorganisa ng Westmin Institute of Technology Inc., (WITI) technical school na accredited ng TESDA sa Imelda, Zamboanga Zibugay na sakop ng Region 9 sa kanilang barangay para sa paghahanap ng mga bagong scholar.
Dahil libre, napag-isipan ni Celso na mag-aplay bilang scholar sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA.
Masuwerte siyang naka-enroll at naka-gradweyt sa kursong Automotive Servicing NC II at naging sertipikadong manggagawa.
Dahil sa kasipagan na kanyang ipinamalas, kinuha siya bilang mekaniko ng Westmin Motorcycle and Auto Repair Shop.
Noong 2014, siya ang itinanghal na Grand Winner for School Category at Best in Story Award sa Tatak TESDA Video Making Contest kung saan itinampok ang kanyang buhay.
Sa kabila na malaki ang kanyang tiyansa na makapagtrabaho sa abroad, mas pinili ni Celso na manatili sa bansa dahil sa kanyang kagustuhan na makatulong sa mga kabataang katulad niyang hirap sa buhay na gustong magkaroon ng kasanayan at makatapos ng pag-aaral.
Sa kasalukuyan, isa na siyang assistant trainer ng Automotive Servicing sa kanyang paaralan sa WITI.
“Sa TESDA, wala man kaming dato pero hayahay na gyud,” (Sa TESDA, wala man kaming pera/yaman pero hayahay ang buhay), pahayag ni Celso.
Comments are closed.